WALA raw rumespondeng mga pulis ng Biñan, Laguna noong nakalipas na Martes ng gabi matapos mamaril ang mga armadong kalalakihan na ikinamatay ng tatlong katao at malubhang ikinasugat ng isa.
Gaano kaya katotoo ang impormasyon na natanggap ng ating impormante?
Wala raw pulis ang nagresponde sa nasabing kaguluhan dahil may party pala ang mga pulis sa gabing ‘yon.
Ang masakit pa rito, puro lasing daw ang mga nagpuntang pulis sa party na ginawa sa Mamplasan Police Station Office sa nasabing barangay.
Kung totoo man ang impormasyon na nagpunta sa inuman ang mga pulis sa istasyon ng Biñan Police, aba’y hindi dapat balewalain ang insidenteng ito ni Laguna PD Supt. Florendo Saligao.
Ang matindi pa rito ay itinago raw ang pangyayari para hindi malaman ng pamunuan ng Philippine National Police o Camp Crame ang pinaggagagawa ng mga pulis sa Biñan Police Station Office.
Nalasing daw halos lahat ang mga pulis dahil sa malaking handaan at engrandeng inuman sa birthday ng isang P/Insp. Valdez kaya hindi nakaresponde ang mga ito sa nangyaring pamamaril.
Ano kaya ang masasabi rito ni PNP chief Gen. Ricardo Marquez?
BOOKIES HINDI HINUHULI NI HEPE
Patuloy pa rin daw na namamayagpag ang bookies ng STL ni JR sa Balayan, Batangas.
Ang nakapagtataka ay kung bakit hindi raw hinuhuli ni Balayan chief-of-police S/Insp. Ronnie Golfo ang bookies na ito ni JR.
Kung walang tongpats si hepe bakit hindi niya hinuhuli?
***
Anomang reklamo o puna ay i-text lang sa 09189274764, 09266719269 o i-email sa juandesabog@yahoo.com. JUAN DE SABOG/JOHNNY MAGALONA