DAHIL bata pa si Mayor Rex ay makabago ang estilo ng kanyang pamumuno kaya nagagawang masabayan ng kanilang lungsod ang mga pagbabago dala ng modernong teknolohiya.
Kaya naman kabi-kabilang mga parangal at pagkilala ang tinatanggap ng kanilang lungsod mula sa iba’t ibang grupong pribado at gobyerno at ang pinakahuli nga ang Galing Pook Award kamakailan.
Lubhang mahalaga ang nasabing pagkilala sapagkat ang Galing Pook Award ang siyang itinuturing na Olympics sa larangan ng pamamahala sa buong bansa.
Hindi biro ang criteria na ginagamit dito at sa pagkakataong ito ay nasungkit ng Valenzuela City ang parangal dahil sa ipinatutupad nitong reporma sa edukasyon.
Nakumbinsi ng Education 360 Investment Program ng lungsod ang mga hurado dahil nilulutas nito hindi lang mga ordinaryong problema sa edukasyon tulad ng kakulangan ng mga silid-aralan at mga guro.
Sa halip, nakatuon ang programa na pinasimulan ni Mayor Rex noong 2014 sa mga hindi nakikita subalit mahalaga ring aspeto sa ilalim ng tinatawag na “cover-all-fronts” strategy.
Kabilang na siyempre rito ang pamamahagi ng libreng school supplies, maayos at masustansiyang pagkain para sa mga bata at angkop na kurikulum.
Kasama rin sa programa ang pagpapaunlad sa kaalaman ng mga guro sa pamamagitan ng mga regular na training seminar, paghikayat sa mga magulang para subaybayan ang pag-aaral ng mga anak at ang pagpapatayo ng mga bagong paaralan na may mga modernong pasilidad.
“Dati-rati, kapag tinanong mo kung ano ang problema sa edukasyon, classroom, classroom at classroom’ ang lagi nating naririnig. But with Education 360, it tries to address what we cannot see – the software” sabi ni Mayor REX Gatchalian, sa harap ng 17-miyembro ng panel of judge.
Ito na ang kanilang ikalawang Galing Pook Award na una na ring nakuha ang parehas na parangal noong 2012 dahil naman sa programa nitong 3S (Simple, Speed, Service) Program.
Sa nasabing programa ay pinadali naman ang proseso ng mga transaksyon sa pamahalaang lungsod gamit ang modernong teknolohiya at sistema noong panahon naman ni dating Mayor Sherwin Gatchalian.
Kaya naman masasabi ko na talagang masuwerte ang Valenzuela City sa pagkakaroon ng mga kabataang pinuno na kayang sumabay sa nagbabagong panahon na nagreresulta naman sa tuloy-tuloy at epektibong serbisyo para sa mga mamamayan. OPEN LINE/BOBBY RICOHERMOSO
