ANO ba itong ipinagngunguyngoy ng pamahalaang Aquino na mali-mali umano ang sukatan ng World Bank sa pagsasabing sumasama ang rating o grado ng mahal kong Pinas sa “Ease of Doing Business” kumpara sa ibang mga bansa?
Sabi ng WB, mula sa 189 bansang sinurbey nito, bumagsak ang Pinas sa number 103 ngayong taon mula sa 95 nitong nakaraang taon.
Pero mas malala pa ang grado nito na number 165 kung pagsisimula ng negosyo ang pag-uusapan.
Sabi ng Department of Finance, ang ginagawa ng WB ay talaga namang pabor lang sa mga mayayamang bansa at sinisiraan nito, partikular ang Pinas, sa mata ng mga dayuhan.
POGI POINTS
Para patunayan ng DOF ng pamahalaang Aquino na mali-mali at walang batayan ang pinagsasabi at mapanira lang na pahayag ng WB, heto ang listahan umano ng kahanga-hangang nagagawa ng pamahalaan ngayon.
Sa pagtatayo ng negosyo, ang dating 16 na hakbang at 34 araw na gugulin dito, naging 6 na hakbang at 8 araw na lang.
Sa pagbabayad ng buwis, naging 13 hakbang na lang mula sa 36. At sa nasa economic zones na pinangangasiwaan ng Philippine Economic Zone Authority, kitang-kita umano kung gaano kagaan at kaganda ang pagtatayo ng negosyo sa Pinas.
Kaya, magaan at kasinungalingan lang ang pagnenegosyo sa Pilipinas?
SABI NG WB
Sabi ng WB, sinarbey nila ang “pagsisimula ng negosyo”, pagkuha ng construction permit”, “pagrehistro ng mga ari-arian” at “pagbabayad ng buwis.”
Pang-165 ang Pinas sa bigat ng pagsisimula ng negosyo.
Kailangan mong dumaan umano sa 16 na hakbang, at 29 na araw ang bubunuin mo rito, 16 porsyento sa kita ang gastos at napakamahal na puhunan na umaabot sa 3.3 porsyento ng kita.
Sa pangkalahatan, pang-103 nga kumpara sa Singapore na number 1, kasunod ang Malaysia na pang-18, Thailand – pang-49 at Vietnam – pang-90 at sumunod na nga ang Pinas habang pang-109 ang Indonesia.
“Least friendly” o hindi palakaibigan ang Pinas sa mga negosyante, sabi ng bangko.
Sino ba namang opisyal ng gobyernong Aquino ang hindi tutulo ang luha at uhog sa report na ito ng WB sa taong 2015?
UNHD REPORT
Heto naman ang ulat ng United Nations Human Development nitong 2014.
Ang Pinas ang may pinakamababang direct fo-reign investment sa ASEAN.
Ang FDI, mga Bro, ay tumutukoy sa pagtatayo ng mga pabrika at iba pang negosyo na matagalan.
Ang halaga umano ng FDI na pumasok sa Pinas ay 1.12 porsyento lang ng gross domestic product o kabuuang halaga ng serbisyo at produkto na nagawa sa loob ng isang taon.
May 284.6-bilyong dolyar o mahigit lang sa P12 trilyon ang GDP ng Pinas kaya napakaliit na halaga ang pumasok na puhu-nang dayuhan.
Ang Indonesia ay may 2.26% na FDI; Thailand – 2.35%; Laos – 3.66; Malaysia – 4.17%; Vietnam – 6%; Cambodia – 7.03; Brunei – 7.39%; Singapore – 20.62%.
Tanong: Ano nga ba ang ikinaiiyak ng pamahalaang Aquino, eh, ganito rin kasama ang report ng UNHD sa pagnene-gosyo ng mga dayuhan sa Pinas?
SAGOT NG NEDA
Mabuti pa ang NEDA at walang kagatol-gatol sa pagsasabing may dahilan upang iwasan ng mga dayuhang mamumuhunan ang Pinas.
Sabi ng NEDA, hindi talaga magtitiwala ang mga dayuhan sa mga bansang walang katiyakan ukol sa pag-unlad ng kanilang kapital o puhunan.
Paliwanag niya, sa nakalipas na 30 taon, halos lahat ng mga bansang nabanggit ay tuloy-tuloy ang kanilang pag-unlad kaya naririyan ang pundasyon ng kumpiyansa.
Ang Pinas, masahol pa sa ispageting pataas-pababa ang kalagayan ng ekonomiya nito, minsan bumabagsak, minsan tumataas.
Heto ang masakit na paliwanag mismo ng NEDA.
Kung kilala ang isang bansa na lungga ng mga korap ang pamahalaan nito, puro blackout at brownout ang nagaganap, lousy o walang kalatoy-latoy ang mga pier, kalsada, tulay nito, paano umano aasa ng kita ang mga negosyante.
Eh, kung isama natin dito ang katakot-takot na trapik, pinakamabagal at pinakamahal na komunikasyon at internet, pinakamahal na kuryente sa buong Asya at napakasamang MRT-LRT, tanim-laglag bala sa mga airport, kidnapping-for-ransom, hindi pagbabayad at pagpa-pahinto ng mga kontrata gaya ng sa plaka at lisensya sa sasakyan at iba pa, hindi lang tatamarin ang mga negosyante kundi umiwas na rin sila o tatakas palabas ng Pinas.
UMAYOS KAYO
Ang masasabi lang natin sa mga balat-sibuyas, mapagkunwari at sinungalinga sa gobyernong Aquino, umayos kayo, tumanggap ng katotohanan at ayusin muna ninyo ang ating bayan bago kayo magreklamo at manisi sa iba.
o0o
Anomang reklamo o puno ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA