SA halip na manawagang humingi ng paumanhin si Sen. Bongbong Marcos sa pagdedeklara ng amang si Ferdinand Marcos ng batas militar, higit na makabubuting harapin na muna ni Pangulong Noynoy Aquino ang kasalukuyang problemang kinahaharap ng taumbayan.
Move on na, Mr. President! Itigil na ang pakikipag-away kay Bongbong at ituon na lang ang nalalabing pitong-buwang panunungkulan sa kung papaanong matutugunan ang problema sa mataas na presyo ng bilihin, kuryente, tubig, bigas at mababang sahod ng mga obrero.
Sablay talaga itong si PNoy, dahil kung tutuusin, wala naman talagang dapat ihingi ng paumanhin si Bongbong sa nangyaring pagdedeklara ng batas militar ng kanyang amang si Marcos.
Si PNoy ang dapat na humingi ng paumanhin sa taumbayan, lalo na sa usapin ng SAF-44 na hanggang ngayon ay wala pa ring katarungan na nakukuha sa ilalim ng kanyang administrasyon.
Kaya nga hanggang ngayon, marami ang nagtatanong kung bakit hindi pa rin nagso-sorry si PNoy sa sinapit ng SAF-44!
Hindi sapat na sabihin ni PNoy na inaako niya ang responsibilidad sa nangyari sa SAF-44, bagkus dapat direkta siyang mag-sorry sa taumbayan at sa mga naulila ng SAF-44.
Malinaw na itinuturo ng Senate investigation na si PNoy ang may kasalanan kaya nangyari ang Mamasapano massacre.
Kung tutuusin, maraming dapat ihingi ng sorry si PNoy sa publiko gaya na lang ng usapin sa DAP, Luneta Massacre, ang patuloy na pagkakatengga ng Freedom of Information bill, ang pagkontra niya sa pagbaba ng income tax, ang patuloy na perwisyo ng MRT/LRT, ang kanyang “Noynoying” at iba pang kapalpakan ng administrasyon.
Unahin na muna ni PNoy na mag-sorry siya sa kanyang mga pagkukulang bago niya hingin ang paumanhin ni Bongbong.
Sabi nga ni Bongbong nang maging panauhin sa ika-63 taon ng National Press Club sa Intramuros, Maynila, wala naman umano siyang sinaktan o krimen na nagawa para humingi siya ng tawad sa publiko.
Kaya nga, lumalabas tuloy na may katotohanan talaga ang akusasyong benggador itong si PNoy.
Kaya pala tinawag siya na “boy sisi” dahil sa hindi magandang pag-uugali at dahil sa mapagtanim ng galit sa kapwa.
Hindi maganda ang iiwang imahe ni PNoy kung patuloy lang siyang makikipag-away sa kanyang mga kalabang partido. Move on na dapat ang gawin ni PNoy at unahing isaayos ang kabuhayan ng mga mahihirap niyang kababayan.
Kung magagawa niyang malagpasan ang ginawa ni Pangulong Marcos, lalo na sa usapin ng peace and order at presyo ng mga bilihin, tiyak na marami ang sasaludo sa kanya. Move on, Mr. President! KANTO’T SULOK/NATS TABOY
