GINUGUNITA ngayon ang ikalawang taon ng “Yolanda” tragedy.
Ang trahedyang talaga namang hindi natin malilimutan matapos pumatay ng mahigit 8,000 nating kababayan sa Kabisayaan at sumira ng kabahayan at kabuhayan ng marami.
Matinding trauma ang inabot ng mga biktima ng Yolanda.
Ang trauma na iyon ay hindi pa rin nawawala dahil sa mabagal na pagkilos ng pamahalaan sa mga nasalanta.
Hanggang ngayon, marami pa rin sa mga biktima ang walang permanenteng tirahan dahil nakanganga ang Pangulo ng Republika na dapat nagreresolba sa nasabing problema.
Ilang araw matapos bumayo ang Yolanda at nakita natin ang maraming namatay at nasirang kabahayan, nasaksihan din natin ang nakatungangang si PNoy. Hindi niya alam ang gagawin.
Kaya inatasan ang alter ego na si Mar Roxas na magtungo sa Tacloban. Pero imbes patunayan ni Roxas na karapat-dapat siyang maging susunod na Presidente hinggil sa kung paaano haharapin ang problema, ipinakita niyang isa rin siyang tungak makaraang makipagtalo sa mga opisyal ng lalawigan na nahaharap din sa trauma.
Wala talagang nagawa ang pamahalaan para tulungan ang mga biktima ng Yolanda kundi ang pasamain lalo ang kanilang kalooban sa pamamagitan ng pagpapaasa ng kaunting tulong.
Ang trahedya ng Yolanda ay lalo lang lumala dahil ang pamahalaang Aquino ay mistulang isang malaking kalamidad na tumama sa bansang Pilipinas.
Dalawang taon na, nganga pa rin ang ating mga kababayan. Mismong ang Santo Papa ay nasaksihan ang kainutilan ng pamahalaan para tulungan ang Yolanda victims.
Pero nganga talaga si PNoy na sa kasaysayan ay maituturing na naging pinakapalpak na Pangulo ng Pilipinas. KANTO’T SULOK/NATS TABOY
