HINDI ba nahihiya ang mga awtoridad sa pang-aabuso nila ng anti-wire tapping law?
Muling naungkat ang tila maling paggamit ng anti-wire tapping law kaugnay ng iskandalo sa tanim-bala sa Manila International Airport Authority-Ninoy Aquino International Airport.
Naganap ito nang irekord ng mga biktima ng tanim-bala ang buong pangyayari hanggang sa kikilan sila ng mga tauhan ng Office of Transportation Security.
KASONG MMDA
Unang naging kontrobersiya ang paggamit ng anti-wire tapping o iligal umanong pagrerekord ng usapan ng dalawang tao nang ilabas ng isang babae na hinuli ng isang traffic enforcer ng Metro Manila Development Authority ang video ng pangingikil sa kanya.
Akalain ba nating agad na nagsabi noon si dating MMDA chairman Francis Tolentino na maaaring makasuhan ang babae ng paglabag sa nasabing batas sa pagrerekord nito ng usapan nang walang pahintulot mula sa traffic enforcer.
UMATRAS
Anak ng tokwa, umatras si Tolentino nang umangal na ang mga mamamayan sa kanyang pahayag.
Kung magrekord nga naman ang mga taga-MMDA ng panghuhuli nila sa pamamagitan ng kanilang mga cellphone at video-camera na suot nila kahit walang pahintulot ang mga motorista, bakit walang karapatang gumawa ng kaparehong bagay ang mga mamamayan laban sa mga pangongotong sa kanila?
Hayun, nang mairekord mismo si Tolentino at pinalabas sa Facebook na nasa harapan siya ng mga sexy dancer na malalaswa ang sayaw sa birthday ng isang kongresman, nagbitiw na siya sa MMDA at tumiwalag siya sa Liberal Party bilang kandidatong senador para sa halalang 2016 bilang independent.
Hindi na rin niya inungkat na may paglabag sa anti-wire tapping law ng nagpalabas ng video o litrato sa Facebook.
TANIM-BALA
Naglabas naman si Eloisa Zoleta, stepmother ng biktimang si Pastor Lane Michael White ng umano’y pagtatanim ng bala sa maleta ng huli ng dalawang taga-OTS na sina Marvin Garcia and Maria Elma Cena.
Pinalabas ng GMA-7 ang balita nitong nagdaang araw lamang.
Sa video, lumalabas na isinalang ang bagahe ni White sa scanner ng dalawang beses. Binuksan ang bag sa una at kinalkal at tinanggalan ng laman saka sinarhan at ipinaraan muli sa scanner.
Matapos nito, lubusan nang tinanggalan ng laman ang maleta at pinulot mula rito ang umano’y isang bala. Pinigil si White at dinala sa opisina ng mga taga-OTS na sina Garcia at Cena.
Nang dinala na si White sa pulisya, doon na umano siya kinikilan ng P30,000 para siya’y makalaya. Pero tumanggi si White at tinuluyan na lamang siya.
EBIDENSYA VS KASO
Nang dinala sa pulisya si White, kasama pa rin si Zoleta, doon na nadiskubre ng mga taga-OTS at pulis na nirerekord ng ina-inahan ang ilang pangyayari. At pinigilan ito ng mga pulis na magrekord ng pangyayari.
Habang pansamantalang nakalalaya sa bisa ng piyansa si white at nagtatagal ito sa pagharap sa kaso, pinalabas na sa telebisyon ni Zoleta ang kanyang ebidensya ng pagtatanim-bala ng mga taga-OTS
Walang paliwanag ang mga taga-OTS at Aviation police sa lumabas na video at gusto sana nating marinig ang kanilang mga katwiran.
KAKASUHAN?
Walang nakatitiyak kung kakasuhan si Zoleta ng paglabag sa anti-wire tapping law. Sakaling kakasuhan siya, titingnan natin kung iko-convict siya ng hukuman.
Mayroon lang tayong inaasahan mangyayari sakaling i-convict ng hukuan si Zoleta. Tiyak na marami ang aangal, lalo na ang mga mamamayan.
Simple lang ang dahilan: kung magrekord ba na katiwalian ang isang mamamayan, magkakasala siya?
Ewan natin kung ano ang mangyayari sa judge na magpapakulong kay Zoleta na maaaring ikadamay na rin ni White bilang kasabwat.
SASABOG SA MUNDO
Kapag nangyari ito, lalong sasabog sa buong mundo ang kasong tanim-bala. Alalahaning ibinabalita na sa mga media sa Japan, Amerika at Europa ang tanim-laglag bala sa MIAA-NAIA at iba pang mga paliparan sa Pinas.
At siyempre, ang kakabit nitong pangongotong ng mga taga-airport at pulis sa kanilang mga binibiktima.
Lalo namang magngingitngit ang mga overseas Filipino worker na lumalabas na kadalasang sila ang mga biktima ng kalokohan sa paliparan.
WALANG PULITIKA
Sa pagsubaybay natin sa pangyayari, walang halong pulitika rito gaya ng sinasabi ng kampo ni PNoy na may kandidatong Pangulo.
Unang-una, walang palatandaan na bata ng mga politiko ang mga OFW na biktima ng iskam.
Lalong hindi kasali sa pulitika ang mga dayuhang biktima. Kaya naman, masasabi nating larawan lang ng mga korap ang gawaing tanim-laglag bala.
Ang mabuting gawin ng gobyerno ay sibakin ang mga dapat na sibakin sa halip na maliitin ang problemang ito at haluan ng pamumulitika.
Madaling matigil ang iskam kung seryoso alng ang gobyerno na durugin ito. Sey n’yo, mga Bro?
o0o
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.reamte.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA