NAIS ni Valenzuela City 1st District Congressman Sherwin “Win” Gatchalian na imbestigahan sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang sunod-sunod na kaso ng laglag-bala sa loob ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Napapanahon ang aksyon na ito ni Gatchalian dahil malapit na ang Christmas season at tiyak na daragsa na pauwi ang mga kababayan nating Overseas Filipino Worker (OFW) na ilang buwan o taong nagtrabaho sa ibang bansa para lamang mabigyan ng magandang buhay ang kani-kanilang pamilya.
Umabot na rin sa mahigit 5,000 ang pumirma sa Change.org petition na humihiling sa Senado at Kamara na magsagawa ng imbestigasyon hinggil sa laglag-bala na nakapambiktima kay Gloria Ortinez na 20-taong nagtrabaho sa Hong Kong.
Matatandaang si Ortinez ay inaresto kamakailan ng mga tauhan ng Office of Transportation Security (OTS) dahil mayroon umanong bala ng baril sa bag nito na mariin namang itinanggi ng biktima at agad din itong pinalaya ng Pasay City Prosecutor’s Office dahil ang sinasabing bala ay iba sa larawan na ipinakita at sa ebidensiyang iprinisinta sa korte.
Dahil dito, naalarma si Gatchalian dahil tiyak na posibleng madagdagan ang mga kababayan nating OFW na maging biktima ng laglag-bala sa NAIA, lalo na ngayong nalalapit na ang Kapaskuhan.
Sinabi pa ng butihing kongresista na nawawala na ang tiwala ng mga pasahero sa NAIA sa mga tauhan ng OTS kaya nararapat na ring magsagawa ng revamp si Department of Transportation and Communication (DOTC) Secretary Joseph Emilio Abaya, Jr.
Maaari rin aniyang malaki ang maging epekto ng ganitong mga insidente sa paglago ng ating tourism industry dahil kahit sa ibang bansa ay may mga diyaryong naglalabas ng balita sa nangyayaring ito sa NAIA.
Sang-ayon tayo sa mga sinabing ito ni Gatchalian at dapat din na ang mga taong inilalagay sa x-ray machine sa lahat ng NAIA terminals ay may malinis na record sa kanyang trabaho simula nang maging tauhan sa ating pambansang paliparan.
Maging ang mga local artist katulad ni Lea Salonga ay naglagay rin ng kanyang pahayag sa kanyang Facebook page na nagbibigay ng babala sa mga pasahero sa NAIA upang hindi maging biktima ng laglag-bala.
Aksyon ng DOTC ang kailangan dito dahil kapag pinabayaan ng administrasyon ni Pangulong Noynoy Aquino ang ganitong mga insidente ay lalo pang mawawala ang tiwala ng mga dayuhan sa ating mga Filipino. ALINGAWNGAW/ALVIN FELICIANO