NAKATAKDANG ihayag ng Senate Electoral Tribunal sa susunod na linggo, Nob.17, ang desisyon nito sa petisyon hinggil sa isyu ng pagkatao o citizenship ni Sen. Grace Poe.
Partikular na reresolbahin ng SET ang petisyon ni Rizalito David na naglalayon ding ipawalambisa ang panalo ng senadora noong nakaraang halalan kung saan nagtala siya ng pinakamaraming boto sa kasaysayan ng halalan sa Senado.
Ang SET ay binubuo ng mga senador na sina Loren Legarda, Pia Cayetano, Bam Aquino, Cynthia Villar, Nancy Binay at Vicente Sotto III at tatlong mahistrado ng Korte Suprema na sina Senior Associate Justice Antonio Carpio na siya ring chairman ng SET at sina Associate Justices Teresita Leonardo-de Castro at Arturo Brion.
Kung susuriing mabuti ang komposisyon ng SET ay binubuo ito ng mga mambabatas na nabibilang sa oposisyon at administrasyon kaya malamang na base sa political leanings nila ang kanilang magiging pananaw sa isyu.
Samantalang ang mga mahistrado maliban kay Carpio na nauna nang nagpahayag ng pananaw sa isyu ay inaasahang magbigay ng opinyon base sa legalidad o kung ano ang naayon sa batas.
Pero bakit nga ba may lumutang na protesta laban kay Grace at sino ang mga nasa likod nito? Bagama’t paulit-ulit na itinatanggi ni David at iba pang mga complainant na may mga politiko na nasa likod nila, alam naman ng mga tao ang totoo at walang naniniwala sa kanila.
Maliwanag na political operations ito na naglalayong idiskaril ang hangarin ng senadora na pumalit kay Noynoy bilang lider ng bansa.
Kapansin-pansin na maliban kay David na perennial loser sa mga election ay pawang mga ordinaryong mamamayan na nagmamahal kuno sa bansa ang naghain ng mga petisyon kaya maliwanag na ang mga kalaban ni Grace na tumatakbo ring Pangulo ang makikinabang sakaling mabasura ang kanyang kandidatura.
Pero bakit nga ba takot silang harapin sa isang malinis at malayang halalan si Grace Poe? Ito ay sapagkat alam nilang mahihirapan silang talunin ang senadora dahil na rin ang mga lider na kagaya niya na hindi maihahanay sa mga trapo ang hinahanap sa ngayon ng mga tao.
Sukang-suka na kasi ang mga tao sa mga politiko na puro kurakot at pangako lang ang ginagawa pero hindi naman tutuparin kapag nakaupo na sa puwesto.
Kaya naman hangga’t maaari ay pinipigilan nila na makatakbo si Grace dahil alam nila na may kalalagyan sila. OPEN LINE/BOBBY RICOHERMOSO

