KUNG may isang kandidato sa pagka-senador na dapat ihalal ng bayan dahil sa prinsipyo at magandang track record, siya’y si dating MMDA chairman Francis Tolentino.
Nagsimula siya sa pulitika nang siya’y mahirang bilang OIC-city mayor ng Tagaytay City matapos ang makasaysayang EDSA Revolution noong 1986.
Pinamahalaan niya ang Tagaytay bilang mayor sa loob ng tatlong termino mula 1995 hanggang 2004 at naging executive vice president ng Union of Local Authorities of the Philippines mula 2001-2004.
Ang kanyang background sa edukasyon ay nagpapatunay ng kanyang malawak na kaalaman. Nagtapos si Tolentino ng Bachelor of Arts at Bachelor of Laws sa Ateneo de Manila University noong 1980 at 1984.
Siya ay nag-aral din sa University of London at Tulane Law School sa Louisiana sa Estados Unidos.
Sa kanyang TV commercial, pinuri ni Tolentino ang mga Pilipino dahil sa katatagan ng loob sa kabila ng mga kinakaharap na problema.
“Lahat tayo ay nadadapa kahit ako. Lahat tayo ay humaharap sa sari-saring hamon na pilit tayong binabagsak,” wika ni Tolentino.
Dagdag niya: “Nariyan ang bagyo, sakuna, kawalan ng trabaho pero ang mahalaga ay handa tayong bumangon at tingnan kung saan tayo nagkamali o nagkulang. Higit sa lahat, handa tayong magbago.”
Ito’y patunay aniya na laging matapang ang mga Filipino na suungin ang anomang problema at gamitin ang mga karanasan para sa positibong pagbabago.
Ang pagkakaisa ng bawat Pilipino ang siyang mag-aangat sa ating bansa, ayon sa kanya.
“Sama-sama tayong maghanda para sa ligtas at maunlad na kinabukasan,” wika ni Tolentino.
Dito, ipinapakita ni Tolentino ang kanyang liderato at ang kanyang hangarin na maiangat ang estado ng bawat Filipino sa pamamagitan ng paglilingkod sa bayan.
Good luck, Chairman Tolentino. KANTO’T SULOK/NATS TABOY