NAKATSAMBA ako sa hula kong apat lang ang boboto para ma-disqualify si Grace Poe bilang senador at kandidato sa pagka-Pangulo.
Sablay naman ako sa aking hula na apat din lang ang makukuhang boto ni Grace. Lima ang bumoto pabor kay Grace at apat lang ang tutol sa anak nina Fernando Poe, Jr. at Susan Roces.
Ang apat na tutol kay Grace ay sina Associate Justices Antonio Carpio, Teresita de Castro at Arturo Brion at si Senador Nancy Binay.
Sina Carpio, De Castro at Brion ay mga appointed ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na kalaban noon ni FPJ. Si Nancy naman ay anak ni Pangalawang Pangulong si Jojomar Binay na kalaban naman ni Grace Poe.
Dalawa lang ang hinulaan kong papabor kay Grace: sina Senador na sina Loren Legarda na ka-tandem ni FPJ sa presidential election, at si Vicente Sotto III, campaign manager ni FPJ.
Si Legarda at si Sotto ay miyembro ng Nationalist People’s Coalition (NPC).
Kailangang limang miyembro ng Senatorial Electoral Tribunal ang bumoto laban o pabor kay Grace. At lima ang bumoto para kay Grace.
Marami ang nagulat na kumampi kay Grace si Senador Bam Aquino na pinsang buo ni Pangulong Noynoy Aquino na ang kandidato for President ay si Mar Roxas.
Si Bam ay first cousin ni Noynoy, pero alam din natin na pinsang-buo rin ni Bam ang mga Aquino sisters na pro-Binay at hindi pro-Mar.
Hindi naman kagulat-gulat ang pagkampi ni Senadora Cynthia Villar, pangulo ng Nacionalista Party (NP) na dating kalaban ni Noynoy.
Kumampi rin kay Grace sina Pia Cayetano, kapatid ni Alan na candidate for Vice President against Senador Chiz Escudero.
Magpa-file ng motion-for-reconsideration ang talunang kandidato na si Rizalito David.
Kung sakaling matalo uli sa SET si David ay pupunta at mag-aapela siya sa Supreme Court na ang mga kandidato, maliban sa Chief Justice, ay pawang appointed ni Gloria Macapagal-Arroyo.
May pag-asa kaya si Grace sa SC? DEEP FRIED/RAUL VALINO
