MAY sapat na batayan ang Sandiganbayan upang litisin si Senador Lito Lapid at apat pang opisyal hinggil sa kasong korapsyon ng P4.6-milyon sa pamahalaang lokal ng Pampanga alinsunod sa kasong inihain ng Office of the Ombudsman.
Ang kaso nina Lapid at Benjamin Yuson (dating accountant ng panlalawigang pamahalaan), Vergel Yabut (dating tusurero ng panlalawigang pamahalaan), Ma. Victoria Aquino Abubakar, Leolita Aquino (kapwa incorporator ng Malayan Pacific Tra-ding Corp.) at Dexter Alexander Vasquez (may-ari ng D.A. Vasquez Micro-Macro Fertilizer Resources) ay may kinalaman sa proyektong pataba ng Panlalawigang Pamahalaan ng Pampanga noong 2004.
Ang paggulong ng kaso kahit mabagal ay nagpapatunay na gumagana ang criminal justice system ng Pilipinas laban sa mga makapangyarihang tao.
Si Lito Lapid ay tatakbong alkalde ng Lungsod ng Angeles dahil papatapos na ang kanyang termino sa Senado.
ENGRANDE ANG PLANO SA CALOOCAN
Matayog ang bisyon ni Mayor Oscar Malapitan sa Lungsod ng Caloocan hanggang 2030.
Ang kanyang plano ay tinawag na “Caloocan City: The Livable City Development Plan 2030.”
Ito ay kakikitaan ng walong elemento: maaasahan at episiyenteng sistemang pangtransportasyon, makataong katangian ng pagnenegosyo, produktibong mamamayan, pag-unlad sa ekonomiya na direktang napakikinabangan ng mga residente, masigasig na barangay, maaasahan at alistong pamahalaang lokal, programang nakabatay sa teknolohiya laban sa krimen, at luntiang kapaligiran ng lungsod.
Ang pamumuno ni Mayor Malapitan sa susunod na tatlong taon ay nakabatay sa nasabing engrandeng plano para sa Caloocan.
PROYEKTONG PABAHAY SA NAVOTAS LIBRE
Nitong Nobyembre 6, nasunog ang mga kabahayan ng 95 pamilya sa Bgy. San Roque sa Lungsod ng Navotas.
Kaagad namang inatasan ni Mayor John Rey Tiangco ang mga kinauukulang opisyal ng kanyang administrasyon sa pangunguna ng mga opisyal sa Social Welfare and Development Office o (SWDO) sa pangunguna ni Jennifer Serrano na tulungan ang mga biktima ng sunog.
Ang matindi sa direktiba ni Mayor Tiangco ay ang paghikayat sa mga residente na tanggapin ang alok ng kanyang administrasyon na libreng pabahay na matatagpuan din sa Navotas.
Titira ang mga biktima sa libreng pabahay sa loob ng 25 taon at maaaring humaba kung gusto pa ng mga residente.
Panalong-panalo ang proyektong libreng pabahay ni Mayor Tiangco.
Sayang, sa ibang lungsod ako naninirahan. BADILLA NGAYON/NELSON BADILLA
