NGAYONG araw, ika-anim na taon na ang pagmasaker sa 33 kapatid nating martir para sa kalayaan sa pamamahayag.
Ginanap ang nakapaninindig-balahibong Ampatuan Massacre sa Sitio Masalay, Bgy. Salman, Ampatuan, Maguindanao noong Nobyembre 23, 2009 habang naglalakbay ang mga ito na kumalap ng balita kaugnay ng nalalapit na halalan noong Mayo 2010.
Nasa convoy sila ng asawa ni Esmael Mangudadatu, kasama ang ilang abogado at iba pa, at naglalakbay para sa paghahain ng kandidaturang panggobernador ni Mangudadatu nang sila’y harangin sa nasabing lugar ng daan-daang armado na umano’y pinamunuan ni noo’y Ampatuan Mayor Andal Ampatuan, Jr.
Anak si Ampatuan Jr. ni namayapa nang Maguindanao Gov. Andal Ampatuan at kasama umano sa pagpaplano ng masaker ang kapatid nitong si noo’y Autonomous Region in Muslim Mindanao Gov. Zaldy Ampatuan.
Matapos silang pagpapatayin, sila’y inihulog sa mga malalalim na hukay na gawa ng isang backhoe saka tinabunan, kasama na ang sasakyan ng mga ito sa pagtatangkang ganap na maitago ang krimen sa mata ng mga mamamayan.
SILANG MGA MARTIR
Muli nating babanggitin ang ngalan ng mga martir sa kalayaang pamamahayag na sina Ian Subang, Lea Dalmacio, Gina dela Cruz, Maritess Cablitas, Rosell Morales, Henry Araneta, Neneng Montaño, Alejandro “Bong” Reblando, Victor Nuñez, Mc Delbert “Mac-Mac” Arriola, Bal Cachuela, Ernesto “Bart” Maravilla, Ronie Perante, Joel Parcon, Jun Legarte, Rey Merisco, John Caniban, Arturo Betia, Noel Decena, Rani Razon, Jhoy Duhay, Andy Teodoro, Jimmy Cabilo, Reynaldo “Bebot” Momay, Napoleon Salaysay, Jun Gatchalian, Lindo Lupogan, Jolito Evardo, Daniel Tiamzon, Jepon Cadagdagon, Rubello Bataluna at Benjie Adolfo.
Kung mayroon man tayong hindi nabanggit, pakipaalala na lang, mga Bro.
LAGING ISAISIP
Hindi dapat mabura sa ating isipan ang kanilang ngalan at sana’y lagi nating isaisip na nagbuwis sila ng buhay hindi lang para sa kalayaan sa pamamahayag kundi para sa pagbabago sa ating lipunan.
Alalahanin na nagbunga ang Ampatuan masaker ng pagkakabuwag ng isang makapangyarihang angkan na nag-anyong diyos sa malawak na bahagi ng Mindanao noon.
Naging bahagi rin ang masaker ng mga pangyayaring nagpahina at nagpabagsak sa kapangyarihan ng noo’y mga nakaupo sa trono sa Malakanyang. At nakatulong ang pangyayari upang igiit ng mga pambansa at internasyonal na organisasyong pang-media ang kahalagahan sa lipunan at mundo ng papel ng mga mamamahayag.
MAILAP NA KATARUNGAN
Ang masakit ngayon sa pangyayari ay ang kawalan ng malinaw na kinabukasan ng kasong nakahain sa lahat ng mga suspek sa malagim na pagpatay.
Kahit umubos na ng ilang taon ang pagdinig sa kaso na kinamatayan na rin ng isa sa mga pangunahing akusado na si Ampatuan Sr. at iba pa, gaya ng mga pinatay na saksi.
Habang nagtatagal ang kaso, may pinalaya ring mga akusado ang hukuman gaya maraming pulis na sangkot at isang anak ni Gov. Ampatuan.
PANGAKONG MAPAPAKO
Bago umalis sa Department of Justice bilang pinuno si Leila de Lima, ipinahayag nitong magkakaroon ng magandang balita ukol sa kaso sa darating na mga buwan o habang nakaupo pa si Pangulong Noynoy Aquino.
Inasahan nating magkakabunga ang pahayag na ito ni De Lima. Pero habang lumilipas ang panahon, ni hindi natin naririnig si PNoy na magbitiw kahit isang salita man lang para sa kapakanan ng mga biktima at hustisya.
Habang rumerepeke sa mga bibig nito ang ukol sa pulitika, lalo na ukol sa mga kandidato nito para pumalit sa kanya sa Malakanyang, wala ito ni isang salita para makamit sa mga panahong ito ang katarungan para sa mga biktima.
Kinakitaan si PNoy ng walang hanggang pagsasalita at pagkakaso sa mga umano’y korap na kalaban niya at kanyang mga kandidato sa halalang 2016 ngunit ganap nang tikom ang bibig nito ukol sa malagim na pamamaslang.
Kaya nga masasabing hindi lang kasinungalingan ukol sa katarungan ang postura ng Malakanyang kundi ganap na kapabayaan ng gobyerno ang nagaganap.
PAGKAKAISA
Pagkakaisa at pagtutulungan ang dapat na pairalin ng mga mamamahayag. Pero ang unang dapat na itanim sa isip ay gamitin ang pakakaisa at pagtutulungan para manatiling buhay ang mga mamamahayag at magampanan nila ang kanilang papel sa lipunan.
Kapag kamatayan ang maghahari, malinaw na walang silbi ang pakikipaglaban maging sa kalayaan sa pamamahayag at demokrasya para sa buong bansa.
Alalahaning bago at makalipas ang Ampatuan massacre, mga Bro, tuloy-tuloy ang pamamaslang sa mga mamamahayag at mismong ang pamahalaang Aquino ay nakaipon na ng dose-dosenang biktima ng media killings.
Mahigit 140 na ang namatay simula noong 1986.
God, have mercy on us all!
oOo
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA