KUNG talagang ayaw ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte sa naging decision ng Senate Electoral Tribunal ay dapat na itong magdeklara ng kanyang kahandaang lumaban sa pampanguluhang labanan sa darating na 2016.
Maraming Filipino ang nag-aabang sa desisyong ito ni Duterte lalo pa’t karamihan sa mga mamamayan sa ngayon ay mistulang walang choice sa mga presidentiables na naghain ng kanilang COC’s.
Hindi matatawaran ang kagustuhan ng taumbayan ng katahimikan at kaunlaran at dito nararapat sigurong pakinggan na ni Duterte ang kagustuhan ng mga mamamayan.
Malinaw sa pahayag ni Duterte nitong nakalipas na araw na open na siyang maging kandidato para Pangulo pero marapat na niyang sigurong gawin iyon agad-agad dahil tapos na ang panahon ng “guessing game”.
Hindi birong kampanya ang dapat gawin ni Duterte dahil ang tatlo niyang magiging mahigpit na katunggali ay panay na ang ikot sa buong bansa, dagdag pa rito ang ads ng mga ito sa TV, radyo at diyaryo.
Ang kaibahan nga lamang ni Digong kina Jojo Binay, Grace Poe at Mar Roxas ay tao ang nagsusulong ng kanyang kandidatura kaya’t may katulong siya sa pangangampanya.
Halos anim na buwan na lamang ang nalalabi at eleksyon na kaya’t siguro ito na ang panahon ng pagtanggap sa hamon ng bayan.
Kaguluhan at terorismo ang hinaharap ng mundo at maging sa Pilipinas sa ngayon kaya kailangan ng bansa ang isang lider na may bayag na kayang gawin at ipatupad ang kanyang sinasabi.
Marami ang umaasa kay Duterte kaya sana pakinggan na nito ang hinaing at hamon ng masang Filipino. ALINGAWNGAW/ALVIN FELICIANO
