MULI nating pasyalan ang lantaran na operasyon ng mga video-karea (VK) na dinala ni Rico mula sa Tanay, Rizal sa Calamba, Laguna at patuloy ngayon sa pamamayagpag sa lahat ng mga sitio at barangay sa Calamba.
E, paano naman matatanggal ang mga makina ni Rico, e, ang balita ko (hindi ko lang alam kung gaano katotoo ito) ay protektado raw ito ni Calamba chief-of-police Supt. Fernando Ortega.
Ang pinagtatakhan ko lang, sa kabila ng mahigit sa 200 unit ng mga makina na dinala ni Rico sa Calamba mula sa lalawigan ng Rizal ay hindi man lang pinigil o pinahinto ni Supt. Ortega.
Hindi ko sinasabi na may ‘timbre’ si Supt. Ortega kay Rico kaya nagbubulag-bulagan ang nasabing hepe.
Bukod kay Supt. Ortega ay ginagamit din ni Rico si Region 4-A R2 C/Supt. Dionesio Bartolome sa pagpapakalat ng kanyang mga demonyong makina sa lungsod ng Calamba.
Ang kabigatan pa rito, pati si Calamba Mayor Timmy Chipeco ay ginagamit din ni Rico sa kanyang mga VK.
Ano ba ‘yan, Mayor Chipeco?
‘Yan ay kung totoo man na may go-signal kayo sa mga ikinalat na mga VK ni Rico.
Aba, Mayor, hindi gawain ng inyo ama ang ganyang klaseng korapsyon! Kumilos kayo, Mayor Chipeco.
Kulang na lang ay lagyan din ni Rico ng mga VK ang bunbunan ninyo!
BAYAW NI MAYOR MAY BOOKIES AT SAKLAAN
Bayaw kasi ni Padre Garcia, Batangas Mayor Abraham Gutierrez si Bong Guno kaya hindi niya kayang ipahuli ang bookies ng Small Time Lottery at ang sakla nito.
Ang tindi ng bayaw na ito ni Mayor Gutierrez dahil laging may sukbit na baril sa baywang nito.
Hindi naman siya pulis at hindi rin lisensyado ang baril nito. Si Mayor Gutierrez ang ginagamit niyang lisensya hindi lang sa baril kundi pati sa iligal na bookies nito at saklaan.
o0o
Anomang reklamo o puna ay i-text lamang sa 09189274764, 09266719269 o i-email juandesabog@yahoo.com. JUAN DE SABOG/JOHNNY MAGALONA