NAGBIGAY ng P5,000 para sa bawat isang miyembro ng pamilyang namatay sa sunog sa Bgy. 21 nitong Nobyembre 14, P5,000 para sa bawat pamilyang nasunugan ng bahay, at libreng pagpapagamot sa Caloocan City Medical Center naman para roon sa mga nasugatan.
Iyan ang malinaw na direktiba ni Mayor Oscar Malapitan sa Social Welfare and Development Department (SWDD) ng Pamahalaang Lungsod ng Caloocan.
Nangangahulugan lamang na hindi nagpabaya si Mayor Malapitan. Dapat ganyan ang lahat ng alkalde.
MALAPITAN PARA KAY MALAPITAN
Si Along Malapitan ay konsehal ng Lungsod ng Caloocan City.
Si Malapitan ay solidong sinusuportahan ni Mayor Oscar Malapitan sa pagtakbo nito bilang kongresista ng lungsod, hindi dahil ang konsehal ay anak ng alkalde kundi dahil kumbinsido siya na karapat-dapat si Along na maging kasapi ng Kamara del Representantes.
Sa palagay ko, ito ang tamang panahon upang pasukin ni Along ang Kamara upang sa mas mataas na antas ng pamahalaan siya manilbihan.
PAHAYAG NG SSS
Narito ang pahayag ng Social Security System (SSS) sa isinulat ko sa kolum na ito noong Oktubre.
Sabi ng SSS sa pamamagitan ni Marissa G. Bugante, Vice President ng SSS Public Affairs and Special Events Division:
“Hindi kami tutol sa isinusulong [ng Kongreso] na pagtataas ng pensyon, bagkus ipinirisinta lamang po namin ang resulta ng aming pag-aaral para gumabay sa maingat na pagpapasya [ng mga mambabatas].”
“Base sa aming pag-aaral, iikli po nang 13 taon ang buhay ng pondo ng SSS kung ipatutupad ang karagdagang pensyon [na P2,000].
“Ang maikling fund life ay may epekto sa kakayahan ng pondong matustusan ang mga benepisyo ng mas nakababata at mga bagong miyembro.” (Itutuloy po sa susunod ang ibang paksa ng SSS.)
Kahit idiniin at ipangalandakan ng SSS na hindi ito tutol sa P2,000 dagdag sa pensyon, maliwanag pa sa sikat ng araw na ayaw ng pamunuan ng ahensiya ang umento dahil sa inirason nitong negatibong epekto ng karagdagang pensyon ng mga retiradong manggagawa/empleyado.
Dapat tanggapin ng SSS na ang solusyon sa problema nito sa pondo ay (1) ibayong pagbutihin nito ang paniningil, (2) pag-obliga sa mga kapitalistang hindi naghuhulog ng kanilang ikinaltas sa mga manggagawa/empleyado nila para sa SSS, at (3) bawasan ang malalaking allowance at bonus ng mga opisyal ng SSS.
Malapit nang ipasa ng Senado ang mungkahing P2,000 umento matapos pumasa ito sa antas ng komite.
***
Problema at reaksyon n’yo, itawag sa: 09985650271 o mag-email sa: sulongbade@yahoo.com o bisitahin ang: NSBADILLA.BLOGSPOT.COM BADILLA NGAYON/NELSON BADILLA

