TUMULAK noong Linggo si Pangulong Noynoy Aquino patungong Paris para dumalo sa pagtitipon ng mga pinuno ng iba’t ibang bansa na may kaugnayan sa lumalalang epekto ng climate change sa mundo na kung tawagin ay 21st Conference of Parties (COP21).
Plano niyang magsalita sa pagtitipon upang ilahad ang karanasan ng ating bansa hinggil sa matinding epekto ng climate change.
Hihikayatin niya rin daw ang ibang mga lider na umaksyon na para pigilan na ang walang patumanggang pagsira sa kalikasan at sobrang carbon emission na nagreresulta sa matitinding kalamidad bunga ng nagbabagong klima.
Maganda naman ang layuning ito subalit bago sana siya umalis patungong Paris ay inalam muna niyang mabuti kung ano ba ang mga sanhi at napabilang ang bansa natin sa listahan ng “most vulnerable” sa epekto ng global warming at climate change.
Lumalabas kasi na kaya tayo vulnerable o ‘di kaya ay nanganganib ay dahil mismong ang gobyerno natin ay walang maayos na programa para pangalagaan ang ating kalikasan.
Patunay rito ang pagbibigay ng pamahalaan ng permiso sa mahigit 50 kompanya para mag-operate ng coal mines sa iba’t ibang lalawigan, kasama na ang isang dambuhalang minahan sa Palawan.
Alam naman nating lahat na anomang uri ng pagmimina ay nakasisira ng kapaligiran at maging ng ating mga likas na yaman lalo na kung coal mining pa ang gagawin.
Ang matindi pa nito, pinayagan din ng pamahalaan na gawin ang coal mining operations sa Palawan na ating ipinagmamalaki bilang ating last frontier at isa sa pinakamalinis, biologically diverse at pinakamagandang lugar sa bansa.
Kaya nga kung iisiping mabuti ay tila may mali sa biyahe ni Noynoy dahil hindi magiging makatotohanan ang panawagan niya na labanan ang climate change kung siya mismo ay hindi gumagawa nito.
Bagama’t malaki ang papel na ginagampanan ng ibang mga bansa, lalo na ang China at US para bawasan ang carbon emission sa mundo, ay dapat lang din naman na maging seryoso ang mga bansang tulad natin na gawin ang nararapat na pangangalaga sa ating kalikasan.
Ang problema kasi ay parang puro dakdak at papogi lang ang ginagawa ng gobyerno kaya naman hindi kataka-taka kung mapabilang tayo sa listahan ng pinakananganganib na bansa sa climate change at global warming.
Nararapat sigurong mag-umpisa ang pagbabago at pangangalaga sa kapaligiran dito mismo sa bansa natin bago tayo manawagan sa ibang lahi ng pagbabago para pigilan ang epekto ng climate change. OPEN LINE/BOBBY RICOHERMOSO