USAP-USAPAN ang ‘artificial’ congestion sa Port of Manila na kung hindi masosolusyonan ay magiging malaking problema sa ekonomiya.
Ayon sa mga truck owner at operator, ang nararamdamang pagsisikip ng trapiko patungo sa pantalan ay indikasyon ng ‘artificial’ congestion.
Kagagawan umano ito ng ilang mapagsamantalang nilalang diyan sa loob ng PoM.
Iyan ang sentro ng imbestigasyon sa gagawaing congressional hearing simula bukas (Dec. 2).
Ang ‘artificial’ congestion ay isa lang sa sisilipin ng kongreso na problemang kinakaharap sa kasalukuyan ng mga trucker. Pero may problema pang dapat ayusin ng mga trucker – kailangan nilang magka-isa sa giyera laban sa mga mananabotahe riyan sa PoM.
May natatanggap kasi tayong balita na ilan sa truckers ay ‘di nakikiisa, bagkus kinakalaban pa ang liderato ni Mr. Edgar Olego.
Bilang pangulo ng Confederation of Truckers Association of the Philippines, dapat lamang na suportahan n’yo si Mr. Olego. Ang pangongontra ng ilang truck owner na opisyal ng ilang samahan ay senyales na ‘di nagkakaisa ang mga operator sa truck industry.
Saan paroroon ang negosyo at industriya ng mga truck kung ‘di nagkakaunawaan para sa ikabubuti ng lahat ng mga truck owner.
Sa isasagawang pagsilip sa mga problema ng mga trucker sa PoM, sana’y magkaroon ng pagkakaunawaan ang mga truck association.
Dahil sa imbestigasyon na ito, ‘di lang problema sa pantalan ang makakalkal, kundi pati sigalot na matagal nang umiiral sa mga trucker. Panahon na rin marahil na kumilos at tumulong ang Kongreso para malaman ang mga problema at mabigyan na ng solusyon.
Suhestiyon lang natin kay Mr. Olego, kailangan niyang maging matigas para kayanin ang lahat ng problema ng trucking industry.
Sa dami ng problema, aba’y kailangang magtrabaho ang CTAP dahil malaki ang papel nila sa takbo ng ekonomiya ng bansa. Kasi, kapag nagtutulungan at nagkakaisa, kahit gaano karami at kalaki ng problema, tiyak na tiyak ang panalo at tagumpay ng CTAP.
Ika nga – ang pagkakaisa ang pinakamatibay na sandata sa giyera. CHOKEPOINT/BONG PADUA
