NAROROON ngayon sa Paris si Pangulong Noynoy Aquino para ipaglaban umano ang karapatan ng mahal kong Pinas na hindi maging biktima ng mga kalamidad na dala ng pag-iinit ng mundo o climate change.
Inililista kasi ang Pinas na isa sa mga pinakamapanganib pagdating sa pananalasa ng climate change.
Isa sa mga pruweba rito ang pagdating ng Yolanda na sinasabing pinakamalakas na bagyo na nairekord sa kasaysayan.
Pumatay si Yolanda ng nasa 8,000 katao at sumira ito ng buhay ng milyon-milyong mamamayan sa malawak na bahagi ng Kabisayaan, kasama ang mga magniniyog na nasiraan ng nasa 30-milyong puno at kinakailangang mag-antay ng nasa pitong taon bago mabuhay sa pag-aani ng bungang niyog mula sa mga bagong tanim na mga puno.
Lumilikha ang climate change ng matitinding bagyo at matitinding tag-init.
MATINDING TAG-INIT
Pinaniniwalaan ngayong taon naganap ang pag-iinit ng mundo sa nakalipas na ilang dekada. Ito’y dahil sa pagdating ng El Niño na pinakamatindi simula pa noong 1950.
Dahil sa El Niño na sumisira at sisira sa mga darating na buwan sa mga palayan, palaisdaan, kakahuyan at magbubunga rin ng pagkatuyo ng mga ilog, dam at iba pa, maaaring magkaroon ng malawakang gutom at paghihirap.
Magkakaroon ng gutom at paghihirap dahil wala o labis na kukulangin ang mga aanihing pagkain mula sa lupa at katubigan, kasama na ang mga alagang hayop na inaasahang magkapeste-peste.
Masisira rin ang buhay ng mga negosyante sa agrikultura.
MABABAHA RIN
Bukod sa mga bagyong malalakas na bunga ng pag-iinit ng mundo, naririyan din ang nakata-takot na larawan ng mundo na babahain dahil sa mabilis na pagkatunaw ng mga niebe at yelo sa North at South Pole.
Sa parteng Alaska at Greenland at sa Australia matatagpuan ang mga napakalalaking bundok ng mga niebe at yelo.
Tinutunaw ng mainit na kapaligiran ang mga nasabing bundok ng niebe at yelo sa mga nasabing lugar ng mundo.
Delikado ang Pilipinas dahil binubuo tayo ng libo-libong isla.
PIYE, METRO ANG BAHA
Sinasabing sa susunod na 50 taon ay mararamdaman na talaga ang mataas na tubig sa ating mga isla.
Unang matatamaan ang mga nakatira sa mga baybaying dagat natin, kasama ang mga nasa bukana ng ilog na nakaharap sa mga karagatan.
Kung namamatay at nasisiraan ng kabuhayan at tahanan ang mga nasa baybaying dagat dahil sa mga storm surge at habagat, lalong lalala ang kalagayan ng mga mama-mayan dahil nga sa pagtaas ng tubig ng karagatan na lulunod sa malaking bahagi ng ating bansa.
Sa tantiya ng mga siyentista, mga Bro, kung piye ang bibilangin nating pagtaas ng tubig sa darating na 50 taon, metro na sa susunod na 100 taon.
Matitinding baha talaga ang darating.
ANG BAHA
Habang mahalagang-mahalaga ang usapin ng climate change, dapat ding pag-aralan ng ating pamahalaan ang katotohanan ng pag-iinit, pagbabaha at kung ano pa na nagbubunga ng matinding kamalasan na nagaganap sa Pinas ay hindi dahil sa climate change.
Nababaha, halimbawa, ang maraming bahagi ng mahal kong Pinas dahil sa halos kawalan na ng puno sa kapaligiran.
Wala na ang mga malalaking puno na sumisipsip sa mga malalakas na tubig-ulan.
Binabaha at nilalamon ang mga komunidad sa mga tabing-dagat dahil sa pagmimina ng blacksand na pinapayagan ng pamahalaan. At ang mga komunidad na nakatayo sa mining area ay binabaha dahil sa pagkaubos mismo ng mga lupa na isinasakay sa barko ng mga minero.
Sa pagkaubos ng lupa, kasamang tinutumba at inuubos ng mga minero ang punongkahoy.
UMIINIT
Umiinit din ang kapaligiran dahil sa kawalan ng mga puno sa mga lungsod na dapat kumain sa mga carbon dioxide na ibinubuga ng mga sasakyan at pabrika.
Sobrang init din sa kapaligiran ang bunga ng mga katakot-takot na trapik at ramdam na ramdam ito sa mga lugar na kung saan umaandar nang tuloy-tuloy ang mga sasakyan habang nakukulong ang mga ito sa trapik.
Sa labas ng Metro Manila, kung tatanawin mo ito mula sa mga lalawigan halimbawa ng Bulacan, Rizal at Cavite, nakatatakot na pagmasdan ang malawak at maitim na ulap na pumapayong sa Metro Manila.
Polusyon ‘yan , mga Bro. at tiyak na mainit ang lugar na nilulukuban ng polusyon mula sa mga sasakyan at pabrika.
PAMAHALAAN AT PROBLEMA
Hangga’t walang ginagawa mismo ang pamahalaan sa mga nagaganap sa Pinas na pinagsisimulan ng mga baha, pag-iinit gaya ng mga kalbong bundok at siyudad, trapik, polusyon at iba pa, magiging laway lang ang laban ni PNoy sa Paris ngayon.
Peksman.
oOo
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA
