GUSTO ko itong proyektong ‘Balik Probinsiya’ ni Mayor John Rey Tiangco ng Lungsod ng Navotas sapagkat makatutulong ito sa mga mahihirap.
Aminin natin ang katotohanan na hindi kayang makalaya mula sa kahirapan ang iba nating mga kababayan habang sila ay narito sa National Capital Region.
Maaaring sa lalawigan gumanda ang kanilang buhay, kaya wasto lamang ang proyekto ni Mayor Tiangco.
Ayon kay Jennifer Serrano, hepe ng City Welfare and Development Office (CSWDO) ng Navotas, marami na ring pamilya ang nakinabang sa proyektong Balik-Probinsiya simula noong inilunsad ito noong 2013. Ngunit, wala pa ito sa 100 pamilya.
Ani Serrano, ang puntirya ni Mayor Tiangco sa nasabing proyekto ay upang matulungang ‘makapagsimula ng panibagong buhay’ ang mga pamilyang apektado ng mga infrastructure project ng pamahalaang lokal at nasyonal sa Navotas.
MAYOR MALAPITAN, PANGUNGUNAHAN ANG PAGKILALA KAY ANDRES BONIFACIO
Bukas, Nobyembre 30 ay Ika-152 kaarawan ng pambansang bayani na si Gat. Andres Bonifacio.
Si Caloocan City Mayor Oscar Malapitan ang mangunguna bilang kasalukuyang ama ng Lungsod ng Caloocan ang pagdiriwang at pagkilala kay Bonifacio.
Kasama ni Mayor Malapitan sina Vice-Mayor Macario Asistio III, Rep. Edgar Erice at Coun. Dale Malapitan.
Bibigyan din ng 21 gun salute ng Army Reserve Command (ARESCOM) si Bonifacio bilang bahagi ng pagkilala sa kanyang kabayanihan at pagmamahal sa inang bayang Pilipinas.
Wasto lamang na kilalanin si Andres Bonifacio sapagkat siya naman ang tunay na pambansang bayani at unang Pangulo ng Pilipinas.
CALOOCAN, IKA-6 SA MAYAMANG LUNGSOD
Batay sa datos ng Commission on Audit (COA), may P11.871-bilyon ang halaga ng ari-arian ng Lungsod ng Caloocan.
Kaya, nasa ikaanim na puwesto ang Caloocan sa pinakamayamang lungsod sa 144 lungsod sa Pilipinas.
Ang nangunguna ay ang Quezon City na mayroong P47.687-bilyong halaga ng ari-arian, ayon pa rin sa COA.
Ang mga katabing lungsod ng Caloocan tulad ng Malabon, Navotas at Valenzuela, bagama’t mayayaman din ay wala sa listahan ng 10 pinakamayayamang lungsod sa bansa.
Kahit hindi kasinglaki ng Quezon City ang lawak ng lupaing nasasakupan ng Caloocan at hindi rin kasingdami ng una ang populasyon ng huli ay malaki pa ang magagawa ng administrasyon ni Mayor Oscar Malapitan upang marating ang istatus ng Quezon City.
Ang plano ni Mayor Malapitan na Caloocan City: The Livable City 2030 ay maaaring susi upang manguna ang Caloocan.
Sana matuloy ang plano ni Mayor Malapitan nang walang negatibong epekto sa mamamayan ng lungsod, lalo na sa mga mahihirap.
XXX
Problema at reaksyon n’yo, itawag sa: 09985650271 o mag-email sa: sulongbade@yahoo.com o bisitahin ang: NSBADILLA.BLOGSPOT.COM BADILLA NGAYON/NELSON BADILLA

