WALANDYO naman talaga mga tauhan ng rehimen ni BS Aquino III. Ilang buwan na lang sila sa Malacanan, aba, ayaw pang tumigil sa kanilang paggawa ng delihensiya!
Ang huli ay ang “tanim-laglag bala” sa NAIA na ipinagtatanggol pa ngayon ng amo ng mga mandurugas sa paliparan. 3 lang daw sa 34 na milyong biyahero ang nahulihan? May nagsinungaling na naman sa iyo Noy!
At heto, kumana naman ang Land Transportation Office na nag-utos na dapat daw kumuha muna ng PNP at NBI clearance ang mga magre-renew ng PROFESSIONAL DRIVER’S LICENSE.
Mabuti na lang mag-eeleksyon na kaya karamihan sa mga mambababatas, lalo na sa tropa ng LP, ay pumapel para pawalang-bisa ang bagong panggogoyo ng LTO. Siyempre dahil madiwara ang pagkuha ng PNP at NBI clearance, eh ‘di PALAKIHAN NG LAGAY na lang para mapalusot ang professional drivers.
Nangatwiran pa ang ilang opisyal ng LTO na kahit naman daw ang mga nag-aaplay ng trabaho, same clearances daw ang kailangan? Demonyo talaga kayo sa LTO. Ang layo eh. Paano n’yo maipapaliwanang ang maanomalyang pagkuha ng lisensiya ng “malalakas” maglagay tulad ng mga bulag, putol ang kamay at paa? Sige nga?
Style ninyo bulok. ‘Yung isang opisyal naman, gustong magpapogi kaya sabi niya, kontra kriminalidad ang bagong utos nila. Bugok! Magpulis ka na lang kaya?
Ang dapat ninyong asikasuhin ay kung papaano mapabibilis ang paggawa ng bagong lisensiya, plaka at car stickers. Maraming nag-renew noon pang Pebrero, wala pa rin yung bagong plastic card licenses nila. Ganyan din ang kaso ng plaka at stickers. Nakagigigil na talaga kayo sa LTO!
Wala kayong kabusugan, mga animales-de-korapses diyan sa LTO. Bakit hindi kayo maglabasan diyan at hulihin ang mga pasaway sa kalsada, pribadong sasakyan man o pampubliko. Magkano ba ang hatag sa inyo kada linggo?
Walang duda, milyon-milyon ang kita ninyo kaya sinasamantala ang mga pampublikong sasakyan na nakaharang sa mga lansangan, nang-agaw ng puwesto at ginawang iligal na terminal.
Huwag na ninyong itanggi mga hayupak diyan sa LTO. Matagal nang kalakaran iyan pero kayo sa panahon ngayon ang talagang walang kabusugan sa katiwalian sa ahensiya. Matindi kayong mag-imbento ng pagkakakitaan tulad ng mga boss ninyo sa DOTC!
PAALIS NA LANG KAYO, GUMAGAWA AT HUMIHIRIT PA NG DISKARTE? BALETODO/ED VERZOLA