GUSTO ko ang ginagawa ng Metro Manila Development Authority sa pakikipagtulungan ng mga lokal na traffic enforcer na pagpapaluwag sa mga itinalagang Mabuhay Lanes.
Noong APEC summit, nakita natin ang kampanya ng MMDA at local traffic enforcers na paluwagin ang Mabuhay Lanes sa mga illegaly-parked na sasakyan, illegal shanties at sidewalk vendors.
May isa pa ngang pulis-trapiko na nagbuwis ng buhay matapos barilin ng isang sekyu na tinitiketan dahil pasaway. Nangyari ito dahil nagsidatingan sa bansa ang mga delegado ng APEC summit.
Ang totoo, nagkaroon ng Mabuhay Lanes para maging alternatibong ruta kapag sobrang sikip ng trapiko, lalo kapag Kapaskuhan.
Wala na sa bansa ang world leaders na pinaglaanan ng maluwag na kalsada. Nailibing na rin ang enforcer na namatay sa pagtupad ng tungkulin para mapaluwag ang Mabuhay Lane sa West Avenue.
Kaya naman nagsibalikan na naman ang mga sagabal sa lansangan, ang mga sidewalk vendor, ang kanilang mga payong, ang mga tiangge. Bakit ganun?
Nagawa na ngang paluwagin ng MMDA, katuwang ang pulisya, nariyan na naman ang mga pasaway.
Ibato natin sa mga alkalde at barangay official ang problemang ito. Sila na ngayon ang may kapangyarihan upang ipagpatuloy ang pagpapaluwag ng kanilang mga masisikip na kalsadang nasasakupan.
Hindi naman talaga mahirap gawin ang pagpapaluwag ng trapiko kung tuloy-tuloy at seryoso lang.
Alam nating may mga kumikita sa city hall sa pagbibigay ng permiso sa mga iligal na negosyo sa lansangan.
Huwag naman po sanang puro kita ang isipin.
Alalahanin ang mga dumaraan araw-araw at oras-oras sa pagpapanatiling maging libre at maluwag na Mabuhay lanes.
Nagawa na ito, kaya naman kayang-kaya natin ‘yan! KANTO’T SULOK/NATS TABOY