HOMICIDE, hindi murder, ang pagkamatay ng baklang si Jeffrey Laude sa kamay ng Amerikanong si L/Cpl. Joseph Scott Pemberton.
Ito Ang Totoo: natagpuang patay si Laude, 26, sa loob ng banyo ng isang mumurahing hotel sa may kahabaan ng Magsaysay Drive, Olongapo City noong Oktubre 2014 matapos mag-check-in, kasama ang US marine soldier na si Pemberton na noo’y 19-taong gulang pa lamang.
Lumalabas na napatay ni Pemberton si Laude matapos mabisto ng Amerikano na bakla pala ito.
Kahit nakabihis babae at may “enhanced boobs” na tila talagang babae, hindi naman inalis o pinalitan ang aring lalaki ni Laude.
Iyon ang ikinagalit ni Pemberton: Napeke siya. Nagtatalo ang dalawa hanggang nauwi nga sa malagim na kamatayan ni Laude.
Ito Ang Totoo: walang karapatang pumatay ng kapwa ang sinoman, kahit si Rudy DaDirty, at hindi rin dapat patayin ang isang tao dahil lang sa bakla ito.
Sa desisyon ni Judge Roline Ginez-Jabalde ng Olongapo City Regional Trial Court Branch 74, lumabas na hindi pinagplanuhan ni Pemberton ang pagpatay kay Laude.
Hindi nga naman sumanib sa US marine si Pemberton, sumakay ng barko at pagdating sa Subic ay hinanap si Laude para patayin ito.
Dahil hindi naman pinagplanuhan ang pagpatay, homicide ang krimen, hindi murder. Hindi ba nahihiya ang prosecutor na nagsampa ng kasong murder gayong malinaw na homicde ang kaso?
Ang homicide ay paglabag pa rin sa batas kaya may kaukulang parusa. Anim hanggang 12 taong pagkabilanggo ang ipinataw kay Pemberton at P4.5M danyos.
Ito Ang Totoo: Nasira na rin ang career ni Pemberton sa US Marines at marami pang bubunuing personal na bagay bunga ng insidente.
Marami ang ‘di interesado kung bakit nagpunta sina Pemberton at Laude sa hotel na pinangyarihan ng krimen. Hindi ba malinaw na pagtatalik ang nasa isip ng dalawa? Iyon nga lang, hindi alam ng isa na kapwa niya lalaki na nagpapanggap na babae ang kasama niya. May elemento ng panloloko, hindi po ba?
Hindi pa tapos ang isyu na ito na pinagpiyestahan para isulong ang kanya-kanyang interes. Pero ang aral: Ang panloloko ay nagbubunga ng problema, baka ikamatay mo pa. Ito Ang Totoo! ITO ANG TOTOO/VIC VIZCOCHO, JR.