HINDI raw istriktong ipinatutupad ng pamunuan ng Maritime Industry Authority (MARINA) ang mga nakasaad sa International Maritime Organization (IMO) Convention kaya hindi tugma sa pandaigdigang panuntunan ang panuntunan ng MARINA sa Pilipinas.
Sabi ni Engr. Nelson Ramirez, pangulo ng United Filipino Seafarers (UFS), nagsagawa ng sariling mga kurso/training programs ang MARINA nang hindi makikita sa IMO Convention.
Idiin ni Engr. Ramirez na “pera, pera, pera” ang namamayani kung bakit ginagawa ito ng MARINA.
Aba, ibig bang ipunto ni Engr. Ramirez na korapsyon ang namamayani ngayon sa MARINA?!
Totoo po ba ito MARINA Administrator Maximo Mejia, Jr.?
LIBRENG SINE SA CALOOCAN
Libreng makapanonood ng sine ang libo-libong senior citizen ng Lungsod ng Caloocan tuwing Lunes sa SM Center Sangandaan. At habang nanonood, ang senior citizen ay aalalayan pa ng mga empleyado ng city hall hanggang makaupo nang maayos sa sinehan. Mayroon pang nag-aabang na mga nurse sa labas ng sinehan upang umalalay sa mge senior citizen.
Napakaagang pamasko naman ito ni Mayor Oscar Malapitan. Sana Mayor Malapitan, bigyan n’yo rin ng pera ang mga matatanda bago sumapit ang mismong araw ng Pasko.
MASAYA AT MAGALANG NA CITY HALL
Kapag kayo ay napunta sa Caloocan City Hall, sasalubungin kayo ng mga nakangiti at magagalang na security guard. Kaya, nakatutuwa ang Pamahalaang Lungsod ng Caloocan na pinamamahalaan ni Mayor Oscar Malapitan dahil nangangahulugang “public-friendly” ang city hall.
Ang pagiging masaya at magalang ng mga kawani ng pamahalaang lungsod ng Caloocan ay repleksyon ng uri ng pamumuno at pamamahala ni Mayor Malapitan sa Lungsod ng Caloocan.
Para sa akin, mahalaga na nakangiti at magalang ang mga gwardiya dahil sila ay nagsisilbing ‘front liner’ ng organisasyon. Ang front liner ang siyang unang naglalatag ng impresyon at kredibilidad ng organisasyon.
Kaya, napakahalaga ang ngiti at paggalang ng mga guwardiya sa bawat pumapasok sa city hall.
PAHAYAG NG SSS (3)
Ang huling punto sa pahayag ng SSS, sabi ni Marissu G. Bugante, vice-president for Public Affairs and Special Events Division ng SSS:
“Tungkol sa diumano’y hindi nagbabayad na mga employer sa Cainta at Taguig. May mga account officer (AO) po kaming sumusuyod sa mga kompanya para makita kung nakarehistro na ito sa SSS at ilan ang empleyado nitong binabayaran.”
Dapat po tapat sa pagsuyod at pagsisiyasat ang AO ng SSS upang matunton at matukoy ang mga delengkuwenteng negosyante a tahasang lumalabag sa batas ng SSS.
***
Problema at reaksiyon n’yo, itawag sa: 09985650271, o mag-email sa: akosibadilla@yahoo.com, o bisitahin ang: NSBADILLA.BLOGSPOT.COM BADILLA NGAYON/NELSON BADILLA