ANG bawat araw na lumilipas habang hinihintay ang desisyon ng Supreme Court ay pasakit para kay Sen. Grace Poe at milyon niyang taga-suporta.
Dahil kumbaga sa isang death convict, ang SC na lamang ang kanilang sangkalan para matuloy ang pagtakbo ng senadora sa pagka-Pangulo.
Kitang-kita sa kanyang mga kilos ang kaba sa bawat tikatik ng segundo, minuto at oras na dumaraan, pero ayaw niyang magpahalata.
Kaya, para marahil makahinga sa pananakal dulot ng inihain na disqualification, siya’y hindi humihinto sa pagsasakatuparan ng sinumpaang trabaho.
Aktibo ito sa pag-ikot at pagbisita sa iba’t ibang bahagi ng bansa para talakayin ang napapanahong mga isyu na apektado ang mamamayan.
Tama ang anak ng yumaong FPJ dahil kung siya’y magpapakita ng kahinaan, aba’y tiyak na magpipiyesta ang kanyang mga tormentor.
Kung sabagay, hindi siya nag-iisa dahil pati ang presidential aspirant din na sina Jejomar Binay at Mayor Rody Duterte ay binibira rin.
Si Binay ay korap at kumita umano ng bilyon noong siya’y Makati mayor pa at si Duterte ay pinaratangang mamamatay-tao at babaero.
Pero sa kabila ng ginagawang paninira sa kanila, sila ang naglalabanan sa top 3 presidential bet, kumpara kay Mar Roxas na ‘di nabibira.
Si Sen. Miriam Defensor-Santiago ay nakanti na sa sakit na cancer pero dahil mababa sa survey, siya’y ‘di gaanong binabanatan.
Ano nga ba ang aasahan sa administrasyong ang naging accomplishment ay siraan ang mga tumutuligsa sa kanyang kapalpakan?
Suhestiyon natin sa ale, isama sa panalangin ang Comellec En Banc na ‘di magkaroon ng amnesia para ang nais ng Diyos ang manaig sa ilalabas na desisyon.
Katotohanan at katarungan nawa ang maghari; hindi ang kapangyarihan ng puwersa, koneksyon at salapi.
‘Yan ang pakiwari natin ang isinisigaw ng mga Juan at Maria na naniniwalang si Sen. Poe ang nararapat sa Malakanyang come July 2016.
Pero ang tanong, eh, kakatig kaya ang SC sa bugbog-sarado nang anak ni FPJ? CHOKEPOINT/BONG PADUA
