SA kabi-kabilang panghuhuli ng iba’t iba nating mga law enforcer sa mga taong sangkot sa droga at pagkaka- kumpiska ng bulto-bultong shabu, nakapagtataka lang dito ang tila lalo yatang pagdami ng mga droga sa ating bansa, partikular na rito sa Metro Manila.
Unahin na natin ang lead agency, ang Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA na pinamumunuan nitong si Usec. Arturo Cacdac. halos araw-araw ay nakakukumpiska sila ng droga at nakahuhuli sila ng target personality.
Isunod naman natin ang Regional Anti-Illegal Drugs ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na sinasabi siyang may pinakamaraming nakumpiskang shabu sa kasaysayan na pinamumunuan naman ng napakagaling at napakahusay na si PC/INSP. Roberto Razon.
Puwera pa rito ang mga operatiba ng iba’t ibang distrito ng ating kapulisan at mga regional office at mga police station at isama pa natin dito ang National Bureau of Investigation (NBI) at PNP-CIDG.
Saan nga ba dinadala ng PDEA ang mga droga na itini-turnover sa kanila ng iba’t bang mga local law enforcer?
Sinasabing sinusunog sa Cavite ang mga nakumpiskang shabu na totoo naman, sa katunayan nga ay nangungumbida pa sila ng mga taga-media para saksihan ang pagsusunog ng droga.
Ang tanong ng marami ay kung sinusunog nga ba ng PDEA ang lahat ng droga na itini-turnover sa kanila o 30 porsyento lang?
Ayon kasi sa ilang operatiba ng PDEA, hindi lahat ng droga ay kanilang sinusunog kahit na raw noong mga naunang panahon pa. Hanggang ngayon ay ganito na ang kalakaran.
Huwag na po tayong magtaka kung bakit napakarami pa ring shabu sa merkado. Ito’y dahil sa kalakaran na matagal nang ginagawa at kahit na yata sino ang maupong hepe ng PDEA ay hindi ito kayang ipatigil.
Marami ang nagsasabi at nagtatanung kung bakit hindi na lang buwagin ang PDEA. Oo nga naman, bakit nga ba hindi na lang ito buwagin, sayang ang intelligence fund ng ahensiya na napupunta lang sa wala.
Sabagay, kahit papaano naman ay may mga nahuhuli rin naman ang PDEA pero karamihan nga lang ay sa probinsiya. At bakit nga ba tali ang mga kamay ng PDEA sa panghuhuli ng mga kilalang personalidad na sangkot sa droga?
Kung hindi pa kumilos ang mga lokal na law enforcers katulad ng RAID, DAID AT SAID ay wala tayong mababalitaang malaking isda na nahuli at bulto-bultong shabu na nakukumpiska.
Mula nang maupo bilang NCRPO Chief itong si PDIR Joel Pagdilao ay umabot na sa 132-milyong halaga ng shabu ang nakumpiska ng grupo ni PC/INSP. Roberto Razon, ng RAID.
Alam ng lahat na maraming sikat na personalidad ang lulong sa droga o sangkot sa droga pero bakit bulag, pipi at bingi rito ang PDEA?
Sabagay nga naman, mismong sa labas lang ng compound ng PDEA sa may NIA ay talamak na ang droga.
Sa katunayan ay isa ang nasabing lugar sa pinagkukunan ng bulto-bultong shabu sa Quezon City pumapangalawa ito sa Culiat.
***
Bukas po ang Lily’s Files para sa inyong mga reklamo, suhestyon at komento, mag-text lang po sa 09219787042. LILY’S FILES/LILY REYES
