UMAAPELA ang mga negosyante ng Mega Q–Mart kay Quezon City Mayor Herbert “Bistek” Bautista na maimbestigahan ang punong barangay ng Bgy. E. Rodriguez na si Marciano Buena Agua, Jr. na diumano’y nasa likod ng pangongotong ng ilang Barangay Public Safety Officers sa halagang P300 bawat isang jeep o truck na magbababa ng kanilang paninda sa harap ng Mega Q-Mart.
Ang umano’y tiwaling gawain ni Agua at ng kanyang BPSOs na nahaharap sa kasong ‘extortion’ ay labis na nakasisira sa magandang imahe nina Mayor Bistek at ng mga opisyal ng Market Development and Administration Department.
Matapos makapagsampa ng magkahiwalay na reklamo laban kina Agua alyas Kapitan Lakay, traffic ex-O Wilmer Peñaflor at BPSOs Joel Canonoy, Marlon Tadeo at Rogelio Pineda, humiling ang grupo ng complainants kay Ombudsman Conchita Carpio-Morales na isailalim sa preventive suspension ang mga ito.
Noong Nobyembre 23, nagsampa ng limang pahinang reklamo ng katiwalian sina Felix Moradas at Helen Canete laban kina Agua, Jr., Peñaflor, Canonoy at Tadeo sa Office of the Ombudsman.
Alas-3:30 ng madaling araw ng Nobyembre 5 nang lapitan ng grupo nina Tadeo, sakay ng multicab patrol, sina Moradas at Canete habang nagbababa ng kanilang paninda at sitahin sila. Sinabihan silang titiketan kung ‘di magbayad ng P300 bawat delivery jeep o truck.
Nitong nakaraang Nobyembre 12, sina Marilyn Almares, Mark Reil Comia, Hermogenes Untalan at Larry Suares ay pormal na naghain ng reklamo laban kina Agua, Peñaflor, Canonoy, Tadeo at Rogelio Pineda dahil sa pangongotong.
Nitong Nobyembre 5, ganap na ala-una ng madaling-araw, ang mga nagrereklamong biyahero ay mariing nagsabi na pilit silang hinihingan ng grupo ni Tadeo ng P300 sa bawat sasakyang magbababa ng kanilang mga paninda. Sa isang sinumpaang salaysay ni Pineda noong Nobyembre 23 sa Ombudsman, itinuro niya na si Agua ang nag-utos sa mga BPSOs na maningil ng P300 kada sasakyan na magbababa ng kalakal, at sinabi pa niya na siya ay boluntaryong lumutang upang isiwalat ang lahat “sa kadahilanang ‘di na rin kaya ng aking kunsensiya ang ginagawa namin batay sa kautusan ng aming Punong Barangay.”
Sa sworn affidavit na isinumite ni BPSO Edwin Trijo sa tanggapan ni Morales noong Nobyembre 12, isinalaysay niya na noong ikatatlong linggo ng Oktubre, siya ay inabutan ng isang biyahero-manininda ng P300 na may kalakip na papel kung saan nakasulat ang numero ng plaka ng kanyang sasakyan.
Aniya, inutusan siya ni Tadeo na mangolekta ng P300 bawat sasakyan sa mga magbabagsak ng paninda sa Mega Q-Mart noong Nobyembre 5.
Ayaw ni Mayor Bistek ng ganyan, tiyak gagawa siya ng agarang hakbang para managot ang may sala. GOOD RIDDANCE/ARLIE CALALO

