YAMAN din lamang na mismo sa bibig ni Davao Mayor Rodrigo Duterte sa naging panayam sa kanya sa DZMM radio nanggaling pag-amin niya na nakapatay na siya ng tatlong kriminal sa Davao, dapat na manaig ang batas.
Kung totoo man ang sinasabi ni Digong, pairalin ang patakarang “no one is above the law” sa pagpapanagot sa kanya.
Kung talagang may gulugod ang gobyerno ay dapat imbestigahan ang sinasabing krimen na ginawa ng nasabing alkalde.
Upang hindi naman maging katawa-tawa ang bansa sa international community at maipakita natin na hindi natin kinukunsinti ang mga paglabag sa karapatang-pantao, maging ng mga kriminal (gaya ng nakasaad sa Konstitusyon), dapat ay makita natin na gumagalaw ang batas para pananagutin ang isang nagkasala sa batas.
Dapat walang kapa-kapatid o kumpa-kumpare.
Ang nakalulungkot ay may mga tagasunod si Digong na nagsasabing ayos lang na likidahin ang sinomang nagkasala na kriminal.
Ang tanong, kung ang anak ninyo o kaya mismo kayo ang nilikida dahil sa napagbintangan kayong kriminal, papayag ba kayo?
Sa totoo lang ang hustisya ay hindi kinakailangan na maging marahas para masabing epektibo ito.
Para maiwasan ang paggawa ng krimen, dapat ay hanapin ang pinakaugat ng rason kung bakit ang isang tao ay nakagagawa ng krimen.
Kung basta-basta na lamang papatayin nang hindi na idinaraan sa wastong proseso ng batas ang isang kriminal ay mas lalong magdudulot ito ng higit na gulo at pinsala at pagmumulan pa ito ng kulturang paghihiganti sa panig ng nawalan ng mahal sa buhay.
Kaya nga dapat suriing mabuti ang “kinumpisal” sa media ni Duterte at kung talagang maysala siya ay kailangang pananagutin siya sa batas kahit kriminal pa ang pinatay niya!
Ganyan ang dapat na pairalin ng gobyerno!!!
***
Anomang reklamo o puna ay i-text lang sa 09189274764, 09266719269 o i-email juandesabog@yahoo.com. JUAN DE SABOG/JOHNNY MAGALONA
