MUKHANG nagiging desperado na itong si dating Department of the Interior and Local Government Secretary Mar Roxas sa kanyang kampanya bilang pambato ng Liberal Party sa darating na 2016 presidential election?
Dati kasi, gumagamit pa siya ng mga “attack dog” itong si Roxas ngunit nitong mga huling pagkakataon ay siya na mismo ang humaharap at nagsasalita laban sa kanyang mga kalaban para sa pagka-pangulo.
Nitong huli ay nang magkaroon ng iringan sa pagitan ni Roxas at ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte na kandidato naman ng Partido ng Demokratikong Pilipino para sa presidential derby ay ito na mismo ang nagsalita laban sa alkalde.
Kung noon ay mapapansin natin na may mga nagsasalita para kay Roxas para lamang gibain ang kanyang mga katunggali, ngayon ay mismong ito na mismo ang nagsasabi ng kanyang mga gustong iparating sa taumbayan.
Dahil dito, nagkakaroon tuloy ng hinala ang mga botante na nagiging desperado na si Roxas dahil hindi man lamang umaangat ang rating nito sa mga isinasagawang survey ng iba’t ibang organisasyon.
Ang hamon nga rito ni Duterte, sakaling mag-number two man lang siya sa mga survey ay lalabanan na niya ito para sa isang debate ngunit sinasabi naman ng kampo ni Roxas na takot lang ang Mayor ng Davao na humarap sa ganitong tunggalian ng utak at plataporma pero hindi naman ito pinatulan ni Digong.
Ngunit kung tayo po ang tatanungin, dapat ay maglaan ng araw ang Commission on Elections para sa isang presidential debate na sasalihan ng bawat kandidato para sa pagka-Pangulo nang sa gayon ay magkaroon ng ideya ang mga botante kung sino ba talaga ang nararapat na maihalal na susunod na Pangulo.
Dapat ay obligahin ng Comelec ang mga kandidato at hindi dapat magbigay ng anomang dahilan ang sinoman para hindi makadalo dahil dito malalaman kung sino ba sa kanila ang may magandang plataporma.
Isa rin itong paraan upang sagutin ng bawat kandidato ang mga isyung kanilang kinahaharap at ito na rin ang magiging daan upang mailahad nila ang kanilang mga paliwanag hinggil sa bawat isyu sa ating lipunan.
Ang hamunan ng debate ay hindi lamang sa pagitan ng dalawang kandidato dapat ay kasali rito ang lahat ng kumakandidatong pangulo ng bansa dahil dito mo masusubukan ang talino at paliwanag ng mga gustong maging pinakamataas na pinuno ng Pilipinas. ALINGAWNGAW/ALVIN FELICIANO