MAKIKILALA ang tunay na pagkatao nina presidential candidates Mar Roxas at Rodrigo Duterte sa kanilang pakikipag-usap sa mga tao, lalo na sa mediamen, na nakasasalamuha nila na nagpapaabot sa bawat isa ng mga mensaheng kanilang pinagbabangayan.
Dahil kapwa mainit ang dugo sa isa’t isa, kapwa nagsisiraan sina Roxas at Duterte.
Ang kanilang mga handler ay nagnanais na pabagsakin ang kalaban na batid nilang hadlang sa kanilang kandidatura.
Magaling lang ang kampo ni Duterte dahil napalabas nitong sinungaling si Roxas kaugnay sa kanyang diploma na nagsasabing nagtapos siya ng kursong Economics major in Finance sa Wharon University sa Pennsylvania sa Amerika.
Siyempre, dahil hindi totoo, mabilis na itinanggi ni Roxas ang sinasabi ni Duterte nang hindi nag-iisip.
Kaya sa madaling salita, naisahan ng kampo ng alkalde ng Davao City ang isa sa taga-pagmana ng Araneta Center sa Cubao, Quezon City.
Kapwa sila nagmukhang mga walang kwentang kandidato sa paningin ng mga edukadong mamamayang Filipino at maging sa mga dayuhang nakaabang sa mga kaganapan sa Inang Bayang Pilipinas.
Hindi maituturing na pagsisinungaling ang ginawa ni Duterte na pagbubuking na hindi nagtapos ang asawa ng sikat na anchor at newscaster ng ABS-CBN sa Amerika sapagkat ito ay isang taktika upang lumabas ang tunay na ugali ni Roxas na tulad ni Duterte ay hindi rin malulon ng aso ang mga binitiwang salita kapag nagmura na.
Pero ang sinasabi ni Duterte na hindi siya galing sa may sinasabing angkan ay walang katotohanan. Nang sabihin niyang nakaranas siyang abusuhin ng isang taong simbahan subalit hindi niya nagawang magsumbong ay hindi na kapani-paniwala.
Ito ay sapagkat mula siya sa angkang may kategorya sa lipunan. Ang kanyang ama ay dating gobernador ng Davao.
Kaya nga kung nagsisiraan sina Roxas at Duterte, masasabing kapwa sila nagyayabangan lang.
Masasabing kapwa sila sinungaling na nililinlang ang mga tao upang mapabango lang ang kanilang mga pangalan upang manalo sa posisyong kanilang inaambisyon.
Sa drama ng dalawang ito, nawa’y mabasang mabuti ng mga tao upang makilala ang tunay na pagkatao nila nang hindi na muling malinlang ang mga botanteng Filipino. PAKUROT/LEA BOTONES