NAHULI na ang taxi driver na nang-bully ng kanyang pasahero.
Agad-agad nating pinatulan ang trending sa social media ng video na nagpakita kung paanong i-harass ng isang taxi driver ang kanyang mga pasahero.
Agad nating ipinahanap ang bully. Buti na lang at nakunan ang masamang asal ng driver at matapang na nagsumbong sa mga awtoridad ang kanyang mga biktima.
Ito ang lagi nating ipinagmamalaki na kapangyarihan ng social media sa pagtulong na masugpo ang mga krimen.
Dahil nag-trending ang video ay nakakuha ng atensyon at dahil nakunan ang masamang akto ay may magagamit na ebidensya laban sa ginawang kalapastanganan ng taxi driver.
Siguro ay magtatanda na ang mga driver na masasama ang ugali, lalo kapag angkop na naparusahan ang nahuling bully taxi driver na ito.
Pero sasamantalahin ko ang pagkakataon pa rin ibandera ang kwento ng mga mabubuting taxi driver tulad ni Anselmo na noong isang linggo lang ay isinulat natin sa kolum natin.
Si Anselmo na nagsauli ng perang naiwan ng kanyang pasahero sa kanyang taxi. Si Anselmo na nagpakita ng magandang imahe ng mga Pinoy taxi driver.
Ang mga tulad ni Anselmo ang kokontra sa mga ipinakikitang masamang ugali ng mga katulad naman nitong si bully taxi driver na nahuli na.
Ang pinakamagaling ay ang partisipasyon ng sambayanan, ang mga nagbulgar ng kabutihan ni Anselmo at ang mga nagsumbong ng kasamaan ni bully taxi driver, sila, tayong lahat, ay kasama sa kwentong ito.
Hindi naman sana mawalan ng gana ang mga mananakay na mga Pinoy na gamitin pa rin ang serbisyo ng mga taxi driver at maging galante pa rin ang ilan kung kaya nila dahil naniniwala ako na mas marami ang mga tulad ni Anselmo.
At ang kapangyarihan ng social media ay ang magiging dahilan para mangimi naman ang mga walang modong mang-bully ng mga mananakay.
Ang kwento ni Anselmo ay inspirasyon para sa kabutihan at ang kwento ng nahuling bully ay inspirasyon pa rin na walang mali ang hindi pwedeng itama.
oOo
Mag-email ng reaksyon sa ariel.inton@gmail.com o kaya’y mag-text sa 09178295982 o 09235388984. SIBOL/LTFRB COMM. ARIEL ENRILE-INTON
