DAPAT na sigurong iutos ng Philippine National Police sa pamamagitan ng National Capital Regional Police Office ang revamp sa Manila Police District. Ito’y upang mapigilan ang pagkalat ng droga sa mga lugar sa Maynila na hindi na kayang kontrolin ng PNP sapagkat maging ang mga opisyal na nakatalaga sa mga istasyon ay pasok na rin sa sindikato ng droga.
Nakatatawang ang ilang station commander sa MPD ay ginagawang swelduhan na lang ang kanilang precinct commanders, bukod pa sa tinotokahan ang mga ito ng lingguhang parating mula sa ilang iligal sa kanilang nasasakupan, kasama ang droga.
Kabilang sa mga opisyal na sangkot sa sindikato ng droga ang isang station commander na nagtapos sa Philippine National Police Academy na kung umarte ay akala mo higante gayung hindi naman kalakihan upang katakutan.
Masyadong mayabang ang opisyal na ito na walang ipinagmamalaki kundi ang koneksyon niya kay Gen. Marcelo Garbo, Gen. Joel Pagdilao, Gen. Rolando Nana at higit sa lahat kay Manila Mayor Joseph Estrada.
Karamihan ng mga opisyal na nais ang kanyang puwesto ay sinasabihan niya ng “huwag na kayong magtangka dahil mabibigo kayo” sapagkat inilaan na sa kanya iyon ng kanyang mga padrino para lang sa kanya.
Naunang naupo ang opisyal na ito sa isang hindi magandang istasyon sa Maynila subalit kaagad natanggal dahil sa kapalpakan subalit nagmalinis ito kay Mayor Erap kaya napunta sa “juicy station.”
Naging gahaman sa pera at puwesto ang opisyal na ito dahil kapritsosa umano ang kanyang ibinabahay na isang Police Officer 1 (PO1) na super ganda at super sexy na mapagkakamalan na isang modelo. Hindi pala ibinabahay ni Colonel ang PO1 condominium sa Sta. Mesa ang kanilang “love nest.”
Kaya nga ang kanyang precinct commanders ay tinotokahan niya ng P15,000 bawat linggo, pwera pa sa kita sa droga upang masuportahan ang kanyang kasalukuyang kinakalantare na policewoman.
Hindi pa batid ng misis nitong si Colonel ang kalokohan ng kanyang asawa sapagkat very sweet pa sila noong courtesy call ng mga opisyal at pamilya ng mga ito kay NCRPO chief Dir. Pagdilao. Ano kaya ang gagawin nitong MRS kapag nabatid niyang ipinagpalit siya ng kanyang asawa sa isang policewoman na maganda, sexy at higit sa lahat bata?
Dapat na magkaroon ng revamp upang mabigyan naman ng pagkakataon ang mga matitinong opisyal na dahil walang padrinong sumusuporta ay hindi mabigyan ng magandang puwesto na “fit” sa kanilang talino at kakayahan.
Mayor Erap at mga heneral na sinasabi nitong si Colonel na padrino niya, magising na sana kayo upang hindi na magamit ang pangalan ninyo sa pagkakamal ng salapi nitong ungas at mayabang na opisyal. PAKUROT/LEA BOTONES

