NASA opisina na umano ni Pangulong Noynoy Aquino ang panukalang batas para sa pagtataas ng pensyon ng mga miyembro ng Social Security System. P2,000 buwan-buwan, mga Bro, ang panukalang pension hike.
Bagama’t nasa opisina na niya, tila malamig pa sa ilong ng pusa ang pagtrato nito rito.
Paliwanag ng kanyang mga tsuwariwap, pinag-aaralan ni PNoy nang husto ang panukala, lalo’t sinasabi mismo ng mga opisyal ng SSS na iigsi ang buhay ng ahensiya kung maaaprubahan ang panukala.
Sakali umanong pirmahan ni PNoy ang panukala, tatadtarin naman ng mga kompromiso.
3 AKSYON
May tatlo umanong pupwedeng mangyari sa panukalang batas na ito.
Paliwanag ng mga tsuwariwap ni PNoy, pupwedeng aprubahan na ng Pangulo ito at kung magkagayon, iiral na P2K na pension increase.
Pero pupwede ring upuan ito ni PNoy at palilipasin ang 30-araw na dahilan upang maging awtomatikong batas.
Pinakahuli, pupwedeng i-veto ni PNoy ang panukala kaya mapipilitang babalik ang panukala sa Kongreso o basta na lang mawalan ng bisa kung hindi ito aaksyunan ng mga mambabatas.
Kung aaksyon ang mga kongresman at senador, pupwede nilang lunurin ang veto ng Pangulo sa mayoryang boto at iiral pa rin ang batas.
Ang problema, may panahon pa kaya ang mga kongresman at senador para rito?
Sapagkat, panahon na ng kampanya para sa 2016 at lagi na lang wala sa quorum o walang sapat na bilang ang mga ito sa plenaryo o pangka-lahatang pulong para mag-apruba ng mga panukalang batas.
ANG KOMPROMISO
Balik tayo, mga Bro, sa sinasabing posibleng gagawa ang Pangulo ng kompromiso rito.
Isa sa mga posibleng kompromiso ang pagbabalik ng panukalang batas sa Kongreso para sa mas maliit na halaga ng pension hike.
Maaaring P1,000 o P500 o mas mababa pa at itutulad sa nangyayari sa pay hike ng mga pri-badong obrero na P10 kada araw o P300 kada buwan… kung walang pahinga sa trabaho ang mga ito.
Pupwede ring tsatsaptsapin ni PNoy ang pamimigay gaya ng P500 para sa unang taon, P1,000 sa susunod na taon, P1,500 sa ikatlong taon at P2,000 sa ikaapat na taon.
Pupwede ring gagawin nitong P400 bawat taon para aabot sa limang taon ang pagiging kumpleto ng P2,000.
Sa ganitong pamimigay o kompromiso, marami nang patay at nalumpo sa mga pensyonado bago nila mapakinabangan nang lubos ang batas.
Anak ng tokwa, ang galing-galing nina PNoy.
MABILIS SA PPP
Kung gaano kalamig si PNoy sa panukalang batas pabor sa mga senior citizen na pensyonado ng SSS, sobrang init naman nito sa pag-iisip ng mga proyekto na isasailalim sa Public-Private Partnership.
Noong 2011, anim na buwan makaraan niyang upuan ang bangko ni Aling Gloria sa Malakanyang, nag-iingay ito ukol sa PPP.
P300-bilyon kaagad ang naisip niyang pondo para sa mga imprastraktura, lalo na ang mga isasagawa ng Department of Public Works and Highways at Department of Transportation and Communications. At mabilis na nag-isip ang mga ito ng makukunan ng pondo.
Sabi nila noon, mga Bro, kukuha sina PNoy ng tig-P50-bilyon mula sa SSS, Government Service Insurance System, Land Bank of the Philippines at Development Bank of the Philippines at maglalaan ang pambansang pamahalaan ng mahigit lang sa P12-bilyon.
INANGALAN
Agad na umangal ang mga kritiko sa panukala kaya biglang tumahimik ang Palasyo.
Kahit pa sinasabi noon nina PNoy na ibabalik din sa mga nabanggit na government financial institution o GFI ang nasabing mga kukuning pondo.
Ang tanong natin, mga Bro, natuloy ba ang pagkuha ng P50B, lalo na sa SSS at GSIS?
Nagtatanong tayo dahil maraming mamamayan, lalo na ang mga miyembro ng SSS at GSIS, ang walang balita rito.
Magtanong pa kayo sa mga miyembro.
BOKYA ANG MGA MIYEMBRO
Sabi nina Leonor Briones, walang direktang pakinabang ang mga miyembro, lalo na ang sa SSS at GSIS, sa posibleng kita ng mga GFI sa mga pondo.
‘Yan ay kung kikita nga ang mga nasabing ahensiya. Ang kikita lang ay ang mga negosyante at mga opisyal ng pamahalaan na makikontrata sa mga pribadong negosyante.
Sa rami ba naman ng mga nauulat na iskam sa mga kontrata sa DPWH at DOTC ngayon. Hehehe!
Kikita rin nang husto, lalo na ang mga opisyal ng mga GFI sa pagkakaroon ng mga malalaki o milyon-milyong pisong bonus at allowance gaya ng nangyayari ngayon.
Sey n’yo, mga Bro?
oOo
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA