BIGYAN naman po natin ng pagkakataon na maihayag ng ating mga tagasubaybay ang kanilang mga nalalaman, paninindigan, mungkahi, sumbong at iba pa.
Narito po sila.
EDUKASYON KAILANGAN
Good day po. Kailangan po ay magkaroon ng voter’s education ang ating mga kababayan na sana ay magbago na sa dati nilang nakagawian na ipinagbibili ang kanilang mga boto sa mga politikong may intensyon lang na magpayaman at magpakabundat lang sa kaban ng bayan. “Serbisyo hindi negosyo, kwalipikasyon hindi ambisyon” ang mga kandidatong may taglay nito ang dapat nilang iluklok sa bayan, lalawigan at maging sa ating bansa.
Ben Latigo ng Bulacan. 0932300….
DRUG TEST, PSYCHO TEST
Dear Supreme Court: Dapat magpa-drug test and psycho test lahat ng kandidato. Isama pa rito ang pamunuan ng Coec! Papaano kung magka-Presidente tayo ng may mantsa ng droga sa utak dahil drug user pala o isang kleptomaniac na mandarambong? Tapos, palagi pang sablay at palpak ang diskarte, aber? Eh, ‘di anim na taon uling magdurusa ang 105 milyong Filipino sa kuko ng isang adik o kleptomaniac? Huwag naman po.
Diyos ko po! Huwag naman pong maulit pa na pamunuan tayo uli ng isang may kapansanan sa pag iisip. Siya nawa, amen! Concerned Citizen. 0920960….
SC, COMELEC AT SURVEYS
Huwag magpaapekto ang Comelec at Supreme Court sa mga survey (no. 1 sa vox-populi na ngayon si Duterte?) Sundin ng Philippine Constitution sa pagde-decision. Sino na ang “VOX POPULI” ni ex-Supreme Court Chief Justice Artemio Panganiban? Si mayor Rod Duterte na ba? 0908878….
MATALINONG SWAPANG
Sir Benny, ‘yung ating mga taga-gobyerno, sa sobra nilang talino, nawawalan na sila ng sentido comon, nagiging suwapang sila kahit nahihirapan na ang mga mamamayan sa pagpapakain sa kanila. 0999653….
EPAL NA PAALAALA
May nakakalat na mga paskil na naka-tarpaulin si Balagtas, Bulacan Lito Galvez dito sa may 9 barangay at nakasaad na, ‘Bawal magtapon at magkalat ng anomang uri ng basura sa bayan ng Balagtas. May kaakibat na parusa at multa sa mga mahuhuli alinsunod sa pinatupad pa noong taong 1995 na Kautusang Bayan Blg. 95-009. Isang epal na paala ni mayor na kandidato sa pagka-mayor. Maraming salamat po. Concerned citizen. 0932300….
ANG TUWID NA DAAN
Hi, Mr. Benny, good day. Isa ako sa sumusubaybay sa iyong kolum na ULTIMATUM. Tama kayo na huwag iboto ang nagsusulong ng Tuwid na Daan para mangurakot. ‘Yan ang tamang itawag sa kanila. Sana po kung pupwede, ilagay ninyo sa kolum ang salitang Tuwid na Daan para mangurakot. Lalo na ngayon na alam nilang huling masasayang pagkurakot nila sa mga araw na ito kaya todo gawa na sila ng pamamaraan para mangurakot. Salamat po. Ang iyong tagasubaybay, senior citizen. 0929836….
LTO PLATE AT STICKER
Magandang araw po sa inyo. Dito sa LTO Bohol, nangolekta ng fee para sticker at plate number. Tapos hanggang ngayon, walang naibigay. Sana may magawa kayong tulong. 0919276….
2 PARTY SYSTEM
Dapat bumalik tayo sa dalawa na lang ang kandidato sa pagka-Pangulo under two party system gaya sa U.S.A. Magulo ang maraming pagpipilian na kandidatong Pangulo. Nadaragdagan ang trabaho ng Comelec at Supreme Court. 0908878….
TEST FLIGHT NG TSINA
Masama ang ipinakikitang test flight ng China. Dapat maging handa ang bansa sa lantarang pagmamatigas ng China na angkinin ang isla na mas malapit sa atin teritoryo kaysa sa kanila. Isang pangitain na hindi tayo makaiiwas sa isang madugong digmaan sa hinaharap. Salamat po. 0975884….
MGA SURVEY
Magulo ang survey, paiba-iba. Survey votes hindi naman concrete votes pagdating ng election. Duterte mawawala ang Catholic vote. Binay, leading sa Pulse Asia survey, pero bagsak ang performance rating sa SWS. 0908878….
PUNA KINA BINAY, POE
Binay at Poe puro banat at criticism sa Aquino Administration pero wala namang mga specific solutions. Hungry for power lang. Hindi matatapos ang Binay probe hangga’t hindi lumalabas si Binay at mga bagman nitong si Gerry Limlingan at Baloloy. 0908878….
PEKENG PNP HOTLINE
Good day po, sir. Bakit kaya na kapag ang mga high ranking police officer ang inire-report at inirereklamo ukol sa kanilang mga anomalyang kinasasangkutan sa PNP Hotline na Isumbong mo kay Tsip/Mamang pulis sa 0917-847-57-57 ay hindi sila tumutugon o nagre-react? Nangangahulugan kaya na peke ang hinayupak na ahensiyang ito?
Thanks! Concerned citizen ng Bulacan. 0932300….
oOo
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA
