SADYANG walang alam o mas malaki ang kita sa kontrata ng DOTC ni JUN ABAYA sa pagmantine ng MRT3 at LRT kung hati-hati na ibibigay sa mga kwestiyonable naman na kontratista?
Kung tutuusin, iisang paraan lang ng pagmantine ang kailangan ng tren kahit sabihin pang palit-riles, patibay-riles, alaga ng makina at ang signaling system na kumokontrol sa kabuuang takbo at operasyon ng tren.
Malaking kwestyon din na karamihan sa nakakuha ng kontrata mula noong maupo sila ni Mar Roxas ay walang karanasan at kulang na kulang sa puhunan. Sa kabila ng kahinaan ng PH TRAMS, GLOBAL APT at palit-pangalan na mga kumpanya ng nabanggit, sila pa rin ang nanalo ng P60-milyon kada buwan!
Tatlong taon na kontrata, bilyon ang nakolekta ng mga kontraktor na pinamumunuan ng isang mataas na opisyal ng Liberal Party, ang partido ng rehimen ni Don Benigno Aquino III. Iyon ang capital nila!
Sa kabi-kabilang aberya ng tren ng MRT3 at LRT, ang nasa milyong pasahero ay nabuburyong pero sa kabila nito, si JUN ABAYA at ang kanyang mga tauhan ay may lakas pa ng loob na ibintang kung kaninuman ang pagkasira dahil sa kapabayaan bilang SABOTAHE?
Sadya bang korap ang administrasyon ni Aquino? Sadya bang nang-aasar na lang sila dahil sa kanilang kapabayaan at kawalang paki sa interes ng taumbayan? Wala ba kayong isip na gumawa ng tama?
Ang bansa sa ilalim ni Aquino ay lalong nabaon sa utang kaysa umangat at umunlad. Sa kabila ng totoong anyo ng naghihirap na ekonomiya, ang lakas ng loob ng rehimen na sabihing “first class” na raw ang katayuan ng bansa!
Bakit chop-chop contract, Mr. Abaya? Kung totoo na gusto ninyo ang mahusay na takbo ng PNR, MRT at LRT, bakit hindi gawin na isa na lang ang kontratista at ‘yung may prweba sa kakayahang gumawa at magmantine?
May ilang buwan pa naman kayo para makabawi. Kanselahin ang lahat na chop-chop contract ng perokaril at ibigay na lang lahat sa mga kumpanya ng riles ng Japan. Oo nga at mahal pero tiyak naman ang kalidad, pagmantine sa buong operasyon.
Ibinabaon na din lang ninyo ang bansa sa utang, gumawa na kayo ng tama. Katulad ng una natin naisulat, hindi bale na mabaon ang mga Pilipino sa utang basta nasa tama ang serbisyong bayan.
Ibasura ang chop-chop contract ng DOTC ni ABAYA! BALETODO/ED VERZOLA