ISANG police major ng Manila Police District (MPD) ang isa sa may maraming nakalatag na video-karera (VK) sa Tondo area kaya naman walang ginagawa ang official na ito kundi ang palawakin nang husto ang kanyang iligal na negosyo sa Tondo.
Ang siste, ibang klase itong si major dahil sa halip na siya ang manguna para hulihin ang nagkalat na mga iligal na pasugalan sa Kamaynilaan ay ang mamang major pang ito ang promotor sa paghahasik ng mga iligal sa pamayanan.
Ang matindi sa police official na ito, hinuhuli niya ang mga makina ng mga kakumpitensya niya sa negosyo para nga naman kapag nahuli niya ito, bukod sa kumita na siya, ay dagdag-ranggo pa dahil sa ipinapakita niya na nagtatrabaho siya.
Ang kagulangan pa nitong si major, kahit alam na niyang may nakalatag na mga makina ng ibang mga operator sa lugar ay lalatagan pa rin niya ito ng kanyang mga makina. Wala tuloy magawa ang may-ari ng puwesto kundi ang umiwas na lang para hindi siya pag-initan ng nasabing opisyal.
Ay naku, major, ‘pag hindi ka tumigil ay ibubulgar ko ang pangalan mo.
Ikaw si major…ano nga ba? Hehehehe.
REYNA NG MGA MAKINA SA MAYNILA
Sa Quiricada, Tondo, Maynila na pugad ng iba’t ibang bisyo gaya ng droga, ang isang alyas MeAne ang may-ari naman ng mahigit sa 100 unit ng mga video-karera at nagmamayabang na umano’y malakas daw sa lahat ng mga station commander ng mga presinto ng Manila Police District (MPD).
Si MeAne ang tinuturing ngayon na “Reyna ng mga Makina” sa Tondo dahil halos napakalawak na rin ang operasyon ng mga makina nito sa lugar at sa iba pang mga lugar gaya ng Sampaloc, Dagupan, Yakal, Blumentritt, Bambang, Limbas, Elias at iba pa.
Madali lang matandaan ang mga makina ni MeAne dahil may nakalagay na kulay violet na sticker sa mga makina nito para nga naman kapag nadaanan ng mga otoridad ay iwasan ito dahil sa nakatimbre ito sa mga matataas na official ng PNP, NBI, CIDG at iba pa.
Nakadirekta raw siya sa lahat ng mga police official ng MPD.
Totoo kaya ito, MPD Director Gen. Rolando Nana?
oOo
Anomang puna o reklamo ay i-text sa 09189274764, 09266719269 o i-email sa juandesabog@yahoo.com. JUAN DE SABOG/JOHNNY MAGALONA
