MULI nating balikan at ating tawagan ng pansin sina Metro Manila Development Authority Chairman Atty. Emerson Carlos at PNP-Highway Patrol Group chief Gen. Arnold Gunnacao kaugnay ng mga bagay na nakahambalang sa kahabaan ng Juan Luna St., Tondo, Manila.
Araw-araw at walang oras na pinipigil ng mga bara sa kalsada ang daloy ng trapiko sa kahabaan ng Juan Luna na sakop ng Brgy. 59, Zone 5 ni Chairwoman Vicky Lino na sumasakop sa mga lugar gaya ng Nicodemos, Pavia, Perla at iba pa.
Naririyan ang sandamukal na nakahambalang na mga lumang gulong sa vulcanizing, karatula ng mga tindahan, ekstensyon ng mga bubong ng mga tindahan, bulto-bultong nakasakong basura ng mga bote/garapa at marami pang iba na kumakain sa mahigit sa kalahati ng bahagi ng nasabing pangunahing daan.
Minsan na nating tinawag ang pansin ni Kapitana Lino sa mga perwisyo sa kanyang barangay pero ipinagkibit-balikat lang ng inutil na punong barangay ang panawagan.
Kaya naman nanawagan tayo kina MMDA Chair Atty. Carlos at HPG chief Gen. Gunnacao na kung mangyari ay bigyan naman nila ng pansin ang reklamo ng mga motorista na araw-araw dumadaan sa perwisyong kalsada na ginawang tambakan ng mga basura .
Halos wala nang makaraan na mga pribado at publikong sasakyan sa lugar na ‘yan dahil nga sa nagmistulang palengke at basurahan ang kalsada.
Atty. Carlos at Gen. Gunnacao, baka naman pwede ninyong pasyalan ang kalsada na ‘yan.
BOKAL NG ALAMINOS ANG PADRINO
Sa San Idelfonso, Alaminos, Laguna ay hindi matinag ang peryahan daw nitong si Emily dahil sa direkta raw siya sa Bocal ng Alaminos kaya hindi ginagalaw ang front ng pasugalan nito.
Biruin ninyo, apat na mesa ang color games nito na gabi-gabi ay dinarayo at halos mga menor-de-edad ang mga player sa nasabing pasugalan.
Alaminos, Mayor Eladio Magampon, aksyon.
Malapit na ang eleksyon, bah!
***
Anomang puna o reklamo i-text sa 09189274764, 09266719269 o i-email sa juandesabog@yahoo.com JUAN DE SABOG/JOHNNY MAGALONA
