MALAPIT na ang May 9 elections kaya makaririnig na naman sina Mang Juan at Aling Maria ng kaliwa’t kanang pangako sa mga kandidato.
Dahil sa tuwing halalan ay napabibilib tayo sa mga politikong magaling mangako, kaya ang nailuluklok natin ay ang maling lider. At dahil napili natin ang ‘di dapat na lider, tayo’y nagsisisi, pero huli na dahil nakaposisyon na si kumag. Kaya ‘yan nganga tayo palagi.
Sa Pebrero 9 ay simula na ang kampanya para sa mga tumatakbo sa pagka-pangulo, pangalawang pangulo at sa pagka-senador.
Ang posisyon ng pagka-pangulo ang dapat nating kilatising maigi dahil ang posisyon na ito ay malaki ang gagampanan sa estado ng bansa.
Tulad ng mga nakaraang eleksyon, tiyak na makaririnig na naman tayo ng pangako mula sa limang nagtatagisang tumatakbong Pangulo.
Pakinggan natin ang kanilang mga plataporma na magiging sukatan ng ating boto at suporta sa presidentiable na magiliw ang programa.
Tulad na lang halimbawa ang pagkakait ng gobyernong Aquino sa panukala na dagdag na SSS pensyon para sa mga lolo’t lola.
Wala sa mga presidentiable kundi si Sen. Grace Poe ang may tindig dito, kasama ang ka-tandem na si Vice presidentiable Chiz Escudero.
Ang pensyon ng mga lolo’t lola, ayon kay Sen. Grace, ay kanyang magiging priority legislation kapag siya’y magiging Pangulo.
Ang P2K dagdag na pensyon para sa mga senior citizen ay kapiranggot lang kung tutuusin, pero ipinagkait pa ni Pangulong Aquino.
Milyon-milyon ang suweldo ng mga SSS official pero ang napakaliit na dagdag ay ‘di maibigay. Nasaan ang katwiran ng Daang Matuwid ni PNoy?
Bukod sa isyu ng SSS, dapat din na kongkreto ang plano sa paglikha ng mga trabaho, pagpapaunlad ng sektor ng sakahan at maging sa imprastruktura.
Sana, sa pagbubukas ng kampanya, ‘di lang puro boladas ang marinig kundi ihatag sa masa kung paano nila gagawin ang kanilang mga plano para sa bansa.
Buntad na ang sambayanan sa mga pangako kaya dapat ay matoto na tayo.
Ibasura sa darating na May 9 election ang presidentiables na manggogoyo – yaong kung mangako ay langit pero bola lang pala. CHOKEPOINT/BONG PADUA