KASUNOD ito ng nagdaang kolum natin na isang mataas na opisyal ng Pambansang Pulisya ang tila gustong isagad ang araw ng kanyang serbisyo o kung maaari, bigyan pa siya ng service extension.
Kilala ang hawak na rehiyon ng opisyal na mataba at malusog sa bisyo. Putok ito kahit saang lalawigan. Kumbaga, mayaman ang “kalakaran.”
Mismong ang mga kaibigan natin na naitalaga roon ay nagsabi noon, kakaibang rehiyon.
May patakaran ang PNP sa bawat tauhan nito. Kung oras na ng pagreretiro, dapat oras na. Kadalasan, ‘yung paretiro na ay pinapayagan nang magpahinga para ayusin ang kanilang mga papeles at dokumento para pagdating ng oras, kuha na rin niya ang kanyang mga pensyon at ibang biyaya.
Sabi ni Pareng Intoy, todo-gapang ang regional director para mapahaba pa ang kanyang oras at panahon sa serbisyo. O kung hindi man, ikinakampanya niya ang kanyang “pinili” na ipalit sa kanya?
Matagal din naman tayo na nasa paligid ng PNP National Headquarters. Marami tayong nasaksihan na “palakasan” at kapit-tuko sa puwesto. Marami sila. Napakarami. Basbas ang labana. Pero naniniwala tayo sa liderato ni Chief PNP Director General RICARDO MARQUEZ.
Kilala natin ang personal ang kanyang commitment sa tungkulin. Tapat. Malinis. Maingat at propesyunal.
Kaya sagot ko nga kay Pareng Intoy, hindi papayagan iyang plano ng regional director para sa kanyang service extension. Very unfair!
Mahirap ang sobrang mabusog, kapag naimpatso, isusuka rin lahat!
Magkakilala na kami ni CPNP DG Marquez mula noong siya ay P/SUPT. pa lamang. Minahal at iginalang siya ng kanyang mga tauhan at mga kasama sa trabaho. Mababa ang kalooban at palaging bukas ang pintuan niya kaninoman.
Dumaan siya sa tamang proseso ng promosyon. Hindi siya kailanman nagsumiksik sa mga politiko’t personalidad ng lipunan para lang maabot ang kanyang puwesto ngayon. Sa totoo lang, ni wala siya sa listahan o RADAR ng mga kandidato sa pagiging pambansang lider ng Pambansang Pulisya.
Nakatutuwa nga na sa tagal ng panahon, nakakikilala pa siya ng kaibigan kahit mahaba rin ang panahon na hindi nakikita. Siya pa rin ang “KUYANG” ng PNP. Simpleng tao. Simpleng lider. Simpleng maginoo at opisyal ng PNP.
Kaya naman payo natin sa regional director na gusto pang magserbisyo ng sagad, sir, hayaan mo na sa mga nararapat na pumalit sa iyong puwesto. Magpahinga ka muna. Malay mo, may mas maganda pang bukas ang naghihintay sa iyo? BALETODO/ED VERZOLA
