SA isang demokratikong bansa, palaging mamamayan ang nasusunod dahil sila ang nagbigay ng kapangyarihan sa mga opisyal ng pamahalaan, kabilang na Korte Suprema.
Ibig-sabihin, hindi dapat balewalain ng Korte ang desisyon ng taumbayan, lalo na kung ito ay dumaan sa halalan. Kung sakaling manalo sa eleksyon sa Mayo 9 si Senadora Grace Poe ay nararapat lamang na kilalanin ito.
Ibig-sabihin, wala tayong dapat gawin kundi tanggapin ang desisyon ng bayan na si Grace ang gusto nilang maging Pangulo, kahit hindi pa tapos dinggin ng Korte Suprema ang disqualification cases laban sa kanya.
Malinaw ang sabi ni Sen. Serge Osmeña na “Ang Korte Suprema ay kinakailangang tupdin ang desisyon ng mamamayan kung manalo si Senadora Grace Poe sa halalan kahit hindi pa ito nagpapasya sa mga kasong diskwalipikasyon laban sa kanya.”
Ngayon, kung hindi pa rin magpapasya ang Mataas na Korte ngayong linggo, siguradong kasali pa rin ang pangalan ni Grace sa iimprentang balota ng Comelec.
Walang ibang nagsabi niyan kundi ang mismong pinuno ng Comelec na si Andy Bautista na kasama ang pangalan ni Grace Poe sa balota kahit may disqualification cases siya sa Korte Suprema.
Kaya, kung si Grace ang manalo sa halalan, obligadong ideklara siyang bagong Pangulo ng Republika ng Pilipinas kahit ‘di pa tapos ang DQ.
Iyan ang prinsipyo ng demokrasya!
Huwag na tayong maglokohan, alam ito nina Senador Francisco Tatad, lawyer Estrella Elamparo, Dean Amado Valdez at Professor Antonio Contreras—at ito ang kanilang ikinatatakot nang husto. Kaya nga hiniling sa Korte Suprema ni Elamparo na madaliin ang pagdinig sa mga DQ ni Grace at kung maaari ay araw-arawin ang mga ito upang magpasya na ang Korte bago mag-eleksyon.
Para bang nakasisiguro itong si Elamparo na kung kaagad na magdesisyon ang Korte Suprema ay tiyak na ang kanilang panalo? Eh, ‘di ba mismong kampo rin ni Grace ang nanawagan na kaagad tapusin na ang lahat ng kaso?
Ang maganda sigurong gawin ni Elamparo at ng kanyang mga kasapakat sa pagsasampa ng kaso laban kay Grace ay tukuyin kung sino ang nasa likod ng ‘krimeng’ kanilang ginawa laban sa senadora.
Hindi ba ang UNA o ang LP?
Tiyak nanginginig sa takot ang mga kalaban ni Grace at malamang pati na ang apat na abogadong naghain ng kaso laban sa senadora dahil sa umaalingawngaw ang bagong survey ng Pulse Asia na numero uno na naman si Grace Poe sa limang tumatakbong Pangulo.
Sana, magdesisyon na ang Korte Suprema upang matuldukan na ang agam-agam ng lahat at matahimik na rin ang mga kalaban ni Grace upang matapos na rin ang ilang buwan na nilang pangangatog sa takot.
Kung ako sa kanila, umpisahan na nilang magdasal nang nakaluhod nang maigi sa simbahan ng Quiapo at hilingin sa Poong Nazareno na huwag sanang magtagumpay si Grace Poe.
XXX
Problema at reaksyon n’yo, itawag sa: 09985650271, o mag-email sa: sulongbade@yahoo.com, o bisitahin ang: NSBADILLA.BLOGSPOT.COM BADILLA NGAYON/NELSON BADILLA
