GAANO kaligtas sa lindol ang mga nagtataasang gusali sa mahal kong Pinas?
Sumagi sa isip natin ang tanong na ito, mga Bro, makaraang matanggap natin ang mga ulat ukol sa parang domino na pagbagsak ng mga magkakalapit na gusali sa Taiwan makaraang lindulin sila nitong nagdaang mga araw.
Mahirap imadyinin, mga Bro, ang nasa 100 gusaling magkakatabi na basta na lamang natumba at nawasak nang magsimulang tuma-gilid at matumba ang isa sa kanila.
NAKATATAKOT
May ilan nang naiulat na namatay, habang marami pa ang missing. Marami rin ang nasugatan, kabilang na ang mga pumunta sa Taiwan na galing sa iba’t ibang bansa para makiselebra ng Chinese New Year.
Hanggang sa mga araw na ito, nagkakalkal pa ang mga rescuer. Dito natin naalaala ang mga maysakit na sinamahan natin para magpagamot sa Taiwan.
Ang mga kasamahan natin sa Taiwan na miyembro ng Lions Club International.
Kumusta na kaya silang lahat?
May halong takot na nararamdaman tayo para sa kanila. Pero wala tayong magawa kundi manalig sa Diyos na sila’y ligtas lahat.
Natutunan tuloy natin ang magdasal, mga Bro.
BAGUIO AT BOHOL
Naalaala natin ang mga lindol sa Baguio-Cabanatuan at Bohol.
Walang kaibahan, mga Bro, ang naganap sa Taiwan sa naganap sa sarili nating bayan.
Sa Baguio at Cabanatuan ilang taon na ang nakararaan at sa Bohol na parang kamakailan lang naganap.
Gumuho rin ang mga gusali sa Baguio at Cabanatuan. Nawasak naman ang mga simbahan sa Bohol.
Makaraang ang dalawang dekada, parang wala nang palatandaan na dinaanan at winasak ng lindol ang Baguio, gayundin ang Cabanatuan.
Pero ang Bohol, hanggang ngayon ay nananatili pang wasak. Napakabagal ang pamahalaan sa pag-ayuda sa mga biktima ng lindol.
ANG METRO MANILA
Paano kaya kung may maganap na malakas na lindol sa Metro Manila?
Kung bakit pinag-iinteresan nating talakayin ang Metro Manila, eh, dahil narito, mga Bro, ang konsentrasyon ng mga gusali at iba pang maaaring delikado sa lindol gaya ng mga matataas at dikit-dikit na gusali, LRT-MRT, mall, simbahan, eskwelahan, tore ng mga telebisyon at iba pa.
Ang naalala lang natin, biglang nakalimutan ng mga awtoridad ang usaping ito.
Halimbawa, mayroon na bang ginawang pagsasanay laban sa lindol simula nitong January 1, 2016?
Nagkaroon lang ng interes ng mga awtoridad makaraan ang Bohol tragedy ng mga simbahan at iba pang mga gusali.
Pero lumipas ang Undas, Pasko at Bagong Taon, Ramadan at Chinese New Year, anak ng tokwa, wala na tayong balita sa mga pagsasanay.
30K PATAY
Sabi ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology, maaaring may mamatay sa Metro Manila na 30,000 katao sakaling maganap ang malakas na lindol galing sa West Valley Fault o malaking bitak ng lupa mula sa Bulacan hanggang Cavite at Laguna.
Gaya ng naganap sa Taiwan, mawawalan din ng kuryente at tubig ang malawak na bahagi ng lugar na tatamaan ng lindol.
Maaaring maapektuhan ang nasa limang-milyong mamamayan sa kahabaan ng nasabing bitak ng lupa.
Maaari namang magkaroon ng sunog mula sa mga alambre ng kuryente at tubo ng liquefied petroleum gas na nakakonekta sa mga gusali.
Gayundin na maaaring bumigay ang Angat Dam at lunurin nito ang maraming mamamayan mula sa 30-metro nitong tubig pababa sa ilang bahagi ng Metro Manila sa norte at ilang bayan sa Bulacan at Pampanga.
Ganyan katindi ang posibleng pangyayari.
MAS MATIBAY?
Sabi ng mga taga-Departments of Transportation and Communications at Public Works and Highways, kaya ng mga LRT-MRT ang de-8 lindol.
Matitibay rin ang mga gusali at mas matitibay ang mga ito kumpara sa mga ordinaryong istruktura at bahay.
Sabi ng mga awtoridad, unang mawawasak ang mga bahay sa mga low-cost housing.
Ang lindol sa Taiwan ay 6.7 lang ang lakas samantalang magkalapit ang lakas ng lindol sa Bohol at Baguio-Cabanatuan na nasa 7.
Ang WVF naman ay maaaring lumikha ng lindol na katumbas ang lakas ng lindol sa Taiwan.
Ano nga ba ang mangyayari kung lilindol sa Metro Manila at ang lakas nito ay gaya ng sa Taiwan o sa Baguio-Cabanatuan at Bohol?
MABUTI PA ANG PULITIKA
Anak ng tipaklong, mabuti pa ang pulitika, pinag-iisipan nang matagal.
Mula nang iluklok si Pangulong Noynoy sa Palasyo, pinag-iisipan na ng mga KKKK nito kung paano nila ipagpapatuloy umano ang Tuwid na Daan. At ngayong narito na ang halalan, gusto ng mga ito na magmula sa 2016 ay mapapasakanila ang Palasyo sa minimum na 12 taon o 18 years sa kabuuan mula 2010.
Kapangyarihan sa habambuhay ang gusto ng mga ito at magtataka ka, wala sa bukabularyo ng mga ito ang lindol.
Lilindulin na lang sana sila lahat.
Kung Hei Fat Choi para sa lahat.
oOo
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA
