SAUDI ARABIA ang unang umaray sa krisis sa langis at sinundan ito ng Venezuela at Iraq.
Anong bansa ang susunod na aaray?
Sa Saudi Arabia, 10,000 na ang sinasabing sinibak sa trabaho na overseas Filipino worker. May mga OFW na ring sinisibak sa Iraq.
DAAN-DAANG LIBO
Sa tantiya ni Labor Sec. Rosalinda Baldoz, aabot sa 20 porsyento ang masisibak sa buong Gitnang Silangan, aba, maghanda-handa na mismo ang pamahalaan.
Sa Saudi Arabia lamang na may mahigit sa 1.5-milyong OFW, nasa 300,000 katao ‘yan.
Paano ang 20% din na masisibak sa trabaho kahit sa Qatar, United Arab Emirate at Kuwait na may mahigit sa 500,000 OFW?
Nasa 100,000 katao rin ‘yan. At habang nagtatagal ang krisis, mga Bro, lalong lalala ang kalagayan ng mga OFW sa naturang bahagi ng mundo.
UMUWI, HUWAG MANATILI
Payo ni Sec. Baldoz, huwag manatili ang mga OFW nasisibak sa trabaho sa Saudi o saanmang bansa sa Gitnang Silangan.
Umuwi na lang umano sila dahil maraming nag-aantay para sa kanila sa mahal kong Pinas.
May trabaho umano, may training para sa trabaho, may puhunang maibibigay sa kanila.
Magaling. Pero gaano kaya katotoo ang pahayag ng kagalang-galang na kalihim?
PROBLEMA ANG PAG-UWI
Ang isang hindi nakikita ng mga taga-DOLE ay ang katotohanang marami sa mga OFW ang nawalan ng kahit pamasahe sa pag-uwi.
Mayroon bang nakahandang pondo ang gobyerno para ayudahan ang mga gustong umuwi ngunit walang pamasahe?
Sa 10,000 lang na nasibak sa Saudi, ilan dito ang kinakailangang tulungan ng gobyerno para umuwi?
Ipagpalagay nating kalahati rito ang nawalan ng pamasahe, aba, kailangan ang 10 jumbo jet na may pasaherong 500 bawat isa.
May nakahanda na bang pondo para sa ganitong problema? Eh, paano kung magkatotoo ang daan-daang libong sibakan sa trabaho at sa totoo lang, paano ang napakabilis na pagdami ng mga nasisibak sa trabaho?
WALANG PONDO
Dahil sa problema, naalarma mismo ang Senado.
Ang sabi ni Senador Ralph Recto, walang badyet ngayong taon, Ma’am Rosalinda Baldoz, na pansalo sa mga uuwing OFW.
Walang nailaan sa kanila ang pambansang pamahalaan. Kaya naman iminumungkahi ni Recto na gamitin ang ilan sa mga pork barrel mismo ni Pangulong Noynoy para rito.
Naririyan ang P2.5 Contingency Fund at naririyan ang P67B para sa Unprogrammed Fund.
Natatawa pa nga si Recto sa pagsasabing may P30B para sa emergency para sa Public-Private Partnership pero wala ni sentimo ang nailaan para sa mga OFW in distress o nasa emergency na OFW.
May P10B din umano para sa modernisasyon ng militar pero ni sentimo ay wala ring nailaan mula rito para sa mga magagaling na obrerong OFW.
Kakatiting din naman ang badyet ng Overseas Workers Welfare Administration.
Mismong ang Technical Education Skills and Development Authority ay kapos din sa pondo para sa retraining ng mga OFW.
EMERGENCY
Muli, nananawagan tayo, mga Bro, sa pamahalaan na kumilos agad at ituring na emergency ang malawakang sibakan sa Middle East.
Hindi na uubra ang sinasabi ng DOLE na wala pang kumpirmadong malawakang sibakan. Dahil mismong ang mga obrero na ang nagsasabi na nag-aanunsyo na ang mga kumpanya, maging sa industriya ng langis, na magbabawas na sila ng 20 porsyento sa kanilang mga trabahador.
Mabilis na nagaganap naman ang pagsasara ng mga kumpanya sa konstraksyon.
Ang dahilan ay pinatigil na ng Saudi Arabi ang 63 porsyento sa mga pagawaing bayan nito.
‘Yun bang === mga ginagawang kalsada, tulay, pier, gusali ng pamahalaan at pakontrata sa pagkalkal ng langis, pagtatayo ng mga depot ng mga ito at paggawa ng mga suportang serbisyo gaya ng mga kalsada, tulay at pier.
Sa Saudi Arabia pa rin, pinabilis na ang Saudization na paglalagay ng mga Saudi National sa mga trabahong hawak ng mga dayuhan, gaya ng mga OFW.
WALANG NARIRINIG
Maliban kina Sec. Baldoz at Sen. Recto, anak ng tokwa, wala tayong naririnig na salita mismo kay Pangulong Noynoy kung ano-ano ang mga gagawin nito.
Mas gusto pa nito ang mangampanya nang mangampanya para sa mga kandidato nito sa darating na halalan.
Gamit na gamit pa nga ni PNoy ang mga eroplano, helikopter at iba pang mga sasakyan at pondo ng gobyerno para sa kampanya.
Hindi ba bawal na gamitin ang mga ‘yan para sa kampanya?
Siyempre pa, isinasabay sa kampanya ang pagbubukas ng mga natapos nang mga proyekto ng gobyerno.
Pero hindi excuse ‘yan para magamit ang pondo, tao at kagamitan ng gobyerno para sa kampanya ng mga kandidatong wala na sa gobyerno.
O paano na nga ba ang mga OFW, PNoy?
Huwag mong sabihin na dedma na naman ang aabutin ng mga ito gaya ng naganap noong ma-Yolanda ang Kabisayaan.
oOo
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA