NAPANOOD natin ang TV5 program – ang APLIKANTE noong isang araw. Sina Luchi Cruz-Valdez, Ed Linggao at Ellen Tordessilas ang mga prominenteng may hawak ng programa. Kilala ang tatlo sa “pag-ihaw” ng kanilang panauhin. Matatalino, malalim at may kabuluhan.
Ilan na ang kanilang “ginisa” at inarok na kandidato. Pero ang makulay para sa atin ay ang gabi ni ACT-CIS party-list Congressman SAMUEL “Sammy” PAGDILAO.
Naging tampok ang katanungan nina Luchi-Ed-Ellen sa Mamasapano massacre. Kung sino nga ba ang totoong may pananagutan sa karumal-dumal na pagpatay sa PNP-SAF 44. Si Cong. Pagdilao ay isa sa mga nauna sa PNP-SAF o kabilang mismo sa co-founders ng Special Action Force na itinatag noong panahon ni dating Pangulo Fidel V. Ramos.
Mahusay at tumbok ang sagot ni Cong. SAMMY. Bagaman hindi pa naisusumite ng Kamara ang kanilang Final Report on Mamasapano Massacre, tinumbok niya ng malinaw pa sa Kristal na Tubig. sa huli, tanging ang may pananagutan sa nangyari ay si Don Benigno Simeon Cojuanco Aquino III.
Malinaw rin na sinabi ni Sir Tsip Sammy Pagdilao na hindi gagalaw si General Getulio Napeñas kung hindi siya INUTUSAN ni Aquino. Ganoon kasimple. Walang sinoman ang hindi susunod, sa PNP man o sa AFP, sa utos ng kanilang Commander-in-Chief.
Malinaw na binaboy, binastos, at binalahura ni Aquino ang Chain of Command dahil sa halip na alam ng Chief PNP-OIC at Kalihim ng DILG, mas pinagkatiwalaan ang “kaibigan at personal na security guard niya na noon ay suspendido na bilang Chief PNP. Alright, Sir?
Maliban sa isyu ng Mamasapano, mahusay ring naipaabot ni Cong. SAMMY ang kanyang layunin kung bakit siya tatakbo patungo ng Senado. Gusto niyang maglingkod sa mas mataas na antas ng pagsasabatas ng mga makabuluhang batas na angkop sa ating panahon.
Personal natin siyang kilala noong junior officer pa lang siya hanggang kunin siya sa serbisyo ni dating DILG Sec. Rafael ‘Raffy’ alunan o simply RMA. Maganda ang tambalan nila sa serbisyo. Ngayon, pareho silang tumatakbo sa pagka-senador!
Sa ngayon, ang ama ni Cong. SAMMY ay alkalde pa rin sa bayan ng Pinili, Ilocos Norte. Ang nakababatang kapatid ay Regional Director ng PNP National Capital Region Police Office (NCRPO), si Director Joel Duldulao Pagdilao.
Kung tayo ang tatanungin, walang duda, tayo at ang aming buong angkan ay ihahatid si Sir Tsip Sammy Pagdilao sa Senado. BALETODO/ED VERZOLA