PORMAL nang sinimulan noong nakalipas na Pebrero 10 ang pangangampanya ng mga national candidate para sa 2016 May election.
At katulad ng dati, puro pangako na napapako naman, siraan dito, siraan doon, patutsadahan, iringan, patalbugan at paramihan ng mga pupuntahang tao at iba pa.
At sa ganitong kalakaran ay hindi natin maiiwasan na magkapikunan ang kani-kanilang mga supporter. At dahil dito ay nanawagan si PDIR Joel D Pagdilao, NCRPO director, sa mga kandidato at sa kanilang mga kakampi na maging mahinahon sa panahon n g pangangampanya at iwasang gumawa ng anomang bagay na maaaring pagmulan ng hindi pagkakaintindihan.
Kasabay ng pagsisimula ng kampanya para sa mga national candidate ay inatasan din ni Pagdilao ang 5 District Director at lahat ng mga station commander sa Metro Manila na magsagawa ng double checkpoints gabi’t araw.
Sa record ng NCRPO simula noong ipatupad ang gun ban ay umaabot na sa 196 katao ang naaresto at nakapaglagay na sila ng 1,700 na mga checkpoint sa NCR.
PALPAK NA OPERATION NG LTO
Para namang niloloko nitong mga flying squad ng Land Transportation Office (LTO) ang publiko sa kanilang ginawang Anti-drunk and Drugged Driving campaign Operation kuno noong Huwebes ng gabi.
Inisip kayang mabuti nitong mga taga-LTO ang kanilang ginagawa o pinagtatawanan nila mismo ang kanilang mga sarili.
Bandang alas-7 ng gabi ay pumuwesto na ang mga taga-LTO sa ng Timog Ave. sa Quezon City kung saan ay maraming bar at establishment sa pag-aakalang marami silang mahuhuling mga nakainom na driver.
Ha!ha!ha, nakatatawa naman itong mga taga-LTO.
Sino naman kaya ang mahuhuli nilang driver na nakainom, eh, mga angel pa ang nasa lansangan?
Kung gusto talaga ninyong makahuli ng mga lasing na driver, aba eh, mag operate kayo ng alas-11 ng gabi hanggang madaling-araw.
Makikita ninyong mapupuno ang parking lot ng LTO sa rami ng inyong mahuhuli.
Sabagay, marami rin namang nahuli ang mga taga-LTO. ‘Yun nga lang, hindi ‘yung mga target nilang mga lasing na driver kundi ‘yung mga motorsiklo na hindi naka-helmet ang mga driver.
At para sa mga taga-LTO, sana sa susunod ninyong operation, pag-isipan n’yo munang mabuti para hindi kayo napag tatawanan ng netizens.
***
Bukas po ang Lily’s Files para sa inyong mga reklamo, suhestyon at komento, mag-text lang po sa 09219787042. LILY’S FILES/LILY REYES
