SUMIKLAB na ang galit ng premyadong actress na si Susan Roces o Manang Inday dahil sa hindi na nito matiis ang ginagawa ng mga kalaban sa pulitika ng kanyang anak na si Sen. Grace Poe.
Medyo matagal-tagal na ring nanahimik si Manang Inday at hindi kumikibo kahit kaliwa’t kanan ang ginagawang pang-aapi sa kanyang anak na si Grace simula nang magdeklara itong sasabak bilang President sa May 9, 2016 election.
Ika nga ni Susan Roces, ‘puno na ang salop at dapat nang kalusin.’ Ito ang mga katagang binitawan ni Ginang Roces nang siya’y sumabak sa kampanya sa Iloilo City at galit na sinabi nitong ang kanyang anak na si Grace ay isang tunay na FILIPINO!
Isa lang ang tinanong ni Madam Susan sa mga kababayan nito sa La Paz Public Market sa Iloilo. “Kung hindi tunay na Filipino si Grace eh, paano siya nakarating dito sa probinsya?” Tama nga naman, ‘di po ba?
Mismo ang nag-alaga ng mahabang panahon na si Gng. Roces kay Grace ang siyang nagsasabing isang Filipino ang kanyang anak. Mahirap bang intindihin ‘yun, ha?
Ang siste kasi, marami ang natatakot na kalaban sa pulitika ni Grace kaya kinasuhan nila ang ale para madiskwalipay sa election.
Ipinakita ng itinuturing ng ina ni Poe na si Susan na hindi siya natatakot, katunayan inihambing pa niya ang ginawa sa asawa niyang si Da King Fernando Poe, Jr. na kinasuhan din ng kanyang mga kalaban noong 2004 presidential election.
Ipinauubaya na ni Manang Inday ang lahat sa Diyos, lalo na ang gagawing desisyon ng Supreme Court sa kinakahaharap na DQ cases ng kanyang anak na si Grace.
Halos dalawang buwan na lang ang natitira sa campaign period, at asahan ang kaliwa’t kanang batikusan ng mga magkakatunggaling politiko sa halalan at inihanda na rin ni Susan ang kanyang sarili na sumabak sa pangangampanya sa kanyang anak. Go, go, go Susan!
***
Anomang puna o reklamo i-text sa 09189274764, 09266719269 o i-email sa juandesabog@yahoo.com JUAN DE SABOG/JOHNNY MAGALONA
