SINO sa mga partido at kandidatong mga Pangulo sa halalang 2016 ang may pangakong pangkabuuan para sa sambayanan?
Tanong natin ito, mga Bro, sa harap ng tila pagtutuon ng mga partido at Pangulo sa paisa-isa o mangilan-ngilan na problema ng ating lipunan para solusyonan.
MALAWAKANG EDUKASYON
Ang kampo ni Vice President Binay ang klarong tumutugon sa pangangailangan ng mga kabataan para sa malawakang edukasyon.
Pangako nina Binay ang halagang P65-bilyong libreng kagamitan at kasuotan ng nasa 20-milyong batang mag-aaral taon-taon sa antas ng kinder, elementarya at hayskul.
Kung isasama ang pakinabang na ito sa libreng pag-aaral na pinaiiral na ng batas, lalo na para sa mga pampublikong paaralan, malaking tulong ito sa bawat pamilya.
Lalo ring maeengganyo ang mga magulang at batang lumusong sa mga paaralan na magiging daan ng pagbuo ng edukadong mamamayan na magsisilbing matatag na pundasyon ng ating lipunan tungo sa magandang hinaharap.
May batayan na magagawa ito ng pambansang pamahalaan dahil programa na ito ng mga mauunlad na lokal na pamahalaan, kabilang na ang lungsod na pinanggalingan mismo ni Binay.
Kaya lamang, paano kokontrolin ang korapsyon na maaaring susulpot sa programang ito?
MATATAG NA TRABAHO
Laban sa kontraktuwalisasyon sa hanay ng mga obrero ang klaro namang pangunahing isinusulong ng partido nina Sen. Grace Poe.
Hanggang sa kasalukuyan, walang matinong rekord ang pamahalaan kung gaano kalala ang kontraktuwalisasyon na sumisira sa buhay ng nasa 50-milyong obrero ng bansa na karaniwang haligi ng mga tahanan.
Noong mga taong 2000, tinataya ng mga organisasyong obrero na may pitong-milyong kontraktuwal subalit sa huli, sinasabi ng mga ito na nasa 90 porsyento ng kabuuang pormal na empleyo ang sakop ng salot na ito.
Pati nga ang pamahalaan mismo ay nagpapairal na ng kontraktuwalisasyon gaya ng ginagawa sa mga nars na may isang taon lang na serbisyo.
Sa kontraktuwalisasyon, sirang-sira ang katatagan ng mga obrero sa empleyo dahil hanggang limang buwan lang ang tagal ng trabaho.
Kakambal nito ang pagkaltas sa sahod ng mga manggagawa ng mga kontribusyon para sa Social Security System, PhilHealth at Pag-IBIG na karaniwang hindi naman inihuhulog sa nasabing mga ahensiya.
Magkagayunman, nahaharap ang pamahalaang Grace Poe sa tiyak na mariing pagtutol at pangongorap ng mga dambuhalang negosyante na karaniwang partner ng mga matataas na opisyal ng pamahalaan na nagpapairal ng kontraktuwalisasyon.
ANTI-DROGA AT KORAPSYON
Walang duda na salot sa buong lipunan ang droga at korapsyon at ito ang pagtutuunan ng pansin nina Mayor Rodrigo Duterte.
Sa rekord mismo ng pulisya, nasa 60-70 porsyento ng krimen sa bansa ang may kaugnayan sa droga at lalong nakapaninindig-balahibo ang mala-Mexico na kalagayan ng Pilipinas sa usaping ito bagama’t hindi gaanong lantad.
‘Yun bang === may mga malalaking tao sa pamahalaan na ninong o ninang sa operasyong droga o druglord mismo, kabilang na ang nasa mga armadong puwersa ng pamahalaan.
Ang korapsyon at pandarambong naman ay nasa dugo na ng halos lahat ng opisyal ng pamahalaan mula sa barangay hanggang sa Kongreso at Palasyo.
Nakalulula ang halaga ng korapsyon kung pagsama-samahin ang mga pondong pang-lokal na pamahalaan at pambansa na kinukupit lang ng mga opisyal ng bayan.
Kung parusang bitay ang isa sa mga sagot nina Duterte, paano kaya bubuhayin muli ito sa mariing pagtutol ng mga korap na opisyal ng gobyerno, kasama na ang ilang nasa hukuman, na matatamaan ng parusang ito?
LOKAL NA KAPANGYARIHAN
Isinusulong naman ng grupo ni Mar Roxas ang kapangyarihang lokal, kasama na ang mga samahang pangmamamayan, bilang kaagapay ng pambansang pamahalaan sa mga pagpapasyang pambayan.
Klaro ito sa pangako nitong paiiralin ang Bottoms Up Budgeting na may taunang pondong nasa P100-bilyon mula sa pambansang pamahalaan.
Katwiran ng grupo, hindi nararapat na ang pambansang pamahalaan lamang ang magpapasya sa anomang programa sa pamahalaan kundi maging ang mga nasa ibaba.
Napakaganda ang prinsipyong ito na tiyak namang pakikinabangan ng mga ordinaryong mamamayan.
Gayunman, malaking katanungan kung hanggang saan aabutin ang kapangyarihang ito ng mga nasa ibaba sa harap ng ginagawang maniobra ng mga nasa itaas, lalo na ang mga nasa Palasyo, sa mga pagkakataong may pagsuway o hindi pakikiisa ang mga nasa ibaba sa mga kapritso, korapsyon at pang-aabuso ng mga nakatataas.
KABUUANG PROGRAMA
Kung iisipin ang lahat ng mga programang pangunahing inilalatag ng mga partido at kandidato, hindi dapat na maghiwa-hiwalay ang mga ito.
Bagkus kailangang pagsama-samahin ang lahat ng ito alang-alang sa buong bayan.
Kung magtatagumpay ang liderato ng pamahalaan na itaguyod ang lahat ng ito kahit man lang sa susunod na anim na taon, magiging matibay na moog ito para sa pagbabago at pag-unlad ng mahal kong Pinas.
Tiyak ding magbubunga ang lahat ng ito ng paghupa kahit ng mga panloob na digmaan at iba pang mapanirang tunggalian ng mga mamamayang Filipino. At mapalalakas na rin maging ang pambansang seguridad laban sa mga dayuhang nakikialam sa pamamahala sa bansa o nagnanais na tsumaptsap at mang-angkin ng ilang bahagi ng bansa.
oOo
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA