TINUTULUGAN ba ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) ang kaso ni Stefani Saño, Sr. deputy administrator (SDA) for Trade & Investment ng SBMA, kaugnay ng may kalahating-bilyon pisong halaga ng bigas na umano’y in-smuggle papasok ng Pilipinas sa pamamagitan ng Subic Freeport?
Ito Ang Totoo: noon pang 2012 ang “administrative case” ni Saño pero habang tinitipa natin itong kolum na ito, wala pang hearing na nasimulan ang “Disciplinary Action Committtee” (DAC) ng SBMA na pinamumunuan ni Atty. Randy Escolango, deputy administrator (DA) for Legal Affairs.
Mistulang sinasadya ang pagbinbin sa hearing hanggang magkaroon na ng bagong Pangulo at mapalitan sa puwesto si Chairman & Administrator Roberto V. Garcia.
Kahit paniwala ni Garcia ay hindi siya co-terminus sa kasalukuyang Pangulo at may termino hanggang 2017, maaaring mapababa siya sa puwesto nang maaga kung hindi siya tipo ng bagong Pangulo.
Ito Ang Totoo: Ibig sabihin, maaaring apat na buwan na lamang si Garcia bilang chairman & administrator ng SBMA.
Hindi titinatago, bagkus ipinagmamalaki pa, ni Saño ang paniniwala niyang siya ang papalit kay Garcia kung ang magiging pangulo ng Pilipinas ay si Bise Presidente Jejomar Binay.
Kung ganoon, konting panahon na lang ang hihintayin ni Saño at malamang maaabsuwelto siya sa kasong administrativo kaugnay ng nabanggit na sa taas na 2012 smuggling ng bigas sa Subic Freeport.
Ito kaya ang dahilan kaya tila takot kay Saño si Garcia? Baka malagay sa alanganin ang interes niya sa Subic Freeport kapag hindi na siya ang hepe ng ahensiya?
Ito Ang Totoo: kung wala siyang interes na pinoprotektahan, pakikilusin ni Chairman Garcia si Atty. Escolango at komite nito bago pa mahalal ang bagong Pangulo.
Isa pa, hindi naman tiyak na si Binay ang mananalo. At kung sakali man, malamang meron pang ibang mga pinangakuan si Binay na gagawing SBMA chairman & administrator, hindi po ba Bise?
Samantala, sa mga susunod na panahon, antabayanan ang pagbusisi natin sa iba pang usapin sa SBMA at Subic Freeport, tulad ng SBDMC (Subic Bay Development & Management Center), Brent International School at marami pang iba. Ito Ang Totoo! ITO ANG TOTOO/VIC VIZCOCHO, JR.

