DUMULOG sa Office of the Ombudsman ang isang motorcycle rights activist upang maghain ng kasong graft laban kay dating Manila Mayor Alfredo Lim at ilan pang dating opisyal ng lungsod dahil sa kapabayaan nito na magbayad ng buwis sa takdang panahon.
Dahil aniya rito ay nagmulta ng milyon-milyon ang lungsod kaya naapektuhan ang mga makabuluhang proyekto nito, kabilang na ang pagpapagawa ng mga ligtas at maayos na kalsada.
Ayon kay Reynante Sacaguing na taga-Sta. Mesa, Maynila, nag-ugat ang reklamo niya matapos siyang maaksidente noong 2012 habang sakay ng motorsiklo nang tumama siya sa isang nakalawit na bakal habang tumatahak sa pamosong Lagusnilad sa harap mismo ng Manila City Hall.
Dahil sa grabeng pinsala na kanyang inabot ay naisipan niyang saliksikin ang pondo ng city hall para malaman niya kung maayos bang nagagastos ang budget para sa iba’t ibang proyekto, kabilang na ang pagpapagawa ng mga ligtas na kalsada.
At doon niya natuklasan, kasama ang legal counsel niyang si Atty. Reynaldo III Libatique, na nagkaroon ng mahigit P572-milyong tax deficiency payments ang Maynila para sa taong 2007 noong panahon ni Lim-dahil pinabayaan niya at iba pang dating opisyal ang mga bayarin sa Bureau of Internal revenue.
Dahil dito, sinampahan niya ng kasong gross misconduct at gross neglect of duty si Lim, ganoon dina sina dating City Treasurer Marissa de Guzman at City Accountant Maria Lourdes Manlulu dahil sa kabiguan nilang magbayad ng buwis sa itinakdang panahon na paglabag din umano sa RA 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act).
Nakasaad pa sa complaint na base sa BIR tax audit noong 2007 nabigong magbayad ang Lungsod ng Maynila ng P569,551,178.60 sa iba’t ibang uri ng buwis at noong Disyembre 21, 2010, nakatanggap ito ng notice of assessment mula sa BIR subalit binalewala lamang umano ito ni Lim.
Kaya naman noong Oktubre 26, 2011, ay naging pinal na ang notice of assessment bago ipinalabas ng BIR ang isang final notice of seizure na tinanggap ng Office of the City Accountant (OCAT). Dahil dito ay naobliga umanong kumilos si Lim at noong Nobyembre 5, 2011 ay nagpadala siya ng letter of compromise sa BIR at nangako siya na babayaran ang minimum compromise tax rate na nagkakahalaga ng P34,759,567.17 sa loob ng anim na monthly instalment na aabot sa P5,793,262.70.”
Ikinatwiran ni Sacaguing na dahil sa kapabayaan ng pamunuan ni Lim ay naobliga itong magbayad ng milyones na halaga ng penalty na dapat sana ay nagamit sa mga proyekto para sa mga taga-Maynila, kabilang na ang pagpapagawa ng maayos at ligtas na mga kalsada.
Masama raw ang loob niya dahil kapag mahihirap ang nagkamali o nagpabaya sa trabaho ay natatangal agad, pero ‘pag tulad daw ni Mayor Lim ay hindi napaparusahan kaya panahon na raw para managot ito sa kapabayaan niya. OPEN LINE/BOBBY RICOHERMOSO