SINIMULAN na rin ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) ang kasong Grave Misconduct laban kay Stefani Sao, senior deputy administrator (SDA) for business & investment ng SBMA kaugnay ng pag-smuggle ng may halos P500 milyong halaga ng bigas sa Subic Freeport noong 2012 na inimbestigahan rin ng Senado.
Ito Ang Totoo: sa kaaapela ni Sao kung saan-saan para harangin ang pagdinig ng kanyang kaso, tumagal ito hanggang ngayong ilan buwan na lamang bago maaaring mapalitan na sa puwesto si SBMA Chairman Roberto V. Garcia.
Lantad naman sa Subic ang pagnanasa ni Sao na maging SBMA chairman at umaasa siya na mananalo sa eleksyon sa pagka-Pangulo sa Mayo si Bise Jejomar Binay kung kanino malakas daw siya.
Ibig-sabihin pala, hindi niya suportado si Mar Roxas na pambato ng administrasyon ni PNoy.
Kung sakali namang manalo si Binay, ipipilit kaya niya si Sao sa pwesto kahit may kaso ito? At paano na ang iba pang mga napangakuan ni Binay o ng kampo ni Binay na gagawing SBMA chairman na mukhang napakarami? Sa Subic pa lang ay tatlo katao na ang nakausap natin na gagawin daw ni Binay na SBMA chairman?
Gayunman, mukhang tinablan ang Disciplinary Action Committee (DAC) dahil nga nagpatawag na sila ng hearing at binigyan ng hanggang Marso 13 si Sao para magsumite ng sagot sa alegasyon laban sa kanya.
Dinig natin, magsumite o hindi ng posisyon sa kaso sa takdang panahon si Sao, dedesisyunan ng DAC ang kaso nitong Grave Misconduct na may parusang aabot ng pagkasibak hindi lamang sa puwesto kundi mismong sa trabaho.
Hindi naman natin sinasabi na guilty agad si Sao at hindi naman dapat pangunahan ang DAC. Pero aabangan natin ang magiging resulta ng imbestigasyon at pag-uusig.
Samantala, nakasusuka ang katakot-takot na akomodasyon ng SBMA sa Brent International School of Subic, Inc. mula pa noong 1994.
Sa interes ng ispasyo ng kolum, isi-serye na lamang natin ang mga iskema at sabwatan para paboran ang hindi nagbabayad sa SBMA pero napakamahal maningil na eskwelahang ito sa loob ng Subic Freeport. Abangan. Ito Ang Totoo! ITO ANG TOTOO/VIC VIZCOCHO JR.