NGAYON, mga pare ko, bigyan naman natin ng daan itong pakiusap ng kababayan natin sa ating gobyerno na may kinalaman kaugnay sa ginagawang pananakop ng bansang China sa ating teritoryo sa West Philippine Sea.
Kasabay nito ay kakalampagin na rin natin ang ipinagmamalaking gobyerno ni Pang. Noynoy Aquino na “Daang Matuwid” na tila baga “Daang Walang Direksyon” dahil hanggang ngayon ay wala pang nakikitang naging Matuwid sa Daan ng gobyernong Aquino.
Basahin natin ang nilalaman ng text message sa atin.
Dear Mr. Juan de Sabog. Bigyan sana ng pansin ng ating gobyerno ang patuloy na pagpapalakas ng China sa palapit na palapit na nilang mga barkong pandigma. Tayo ba ay magpipikit-mata na lang sa hakbang ng mga Tsino na ito?
Baka magising na lang tayo na imamasaker na lang ng mga pulahang Tsino. Tiyak na tiyak na may isang malaking giyera sa ipinakikita nilang paghahanda. Nakapag-aalala na ang mga bagay na ito. Nasaan ba ang Amerika na aalalay raw sa atin?
Bakit wala man lang silang pag-aksyon sa pagbubuo ng puwersa riyan sa may South China at West Phil Sea? Ang kalayaan ba rito na natamo lahat ng mamamayang Filipino ay aagawin naman ng mga Tsino? Pagkatapos kasi ng World War 2, ginawang comfort women ng mga sakang na Hapon ang marami nating kababaihan pero hanggang ngayon wala man lang kompensasyon sa mga ito.
Ang paghandaan na lang ng bawat pamilyang Filipino ay kung paano iligtas ang mga sariling pamilya ‘pag naganap na ang madugong pagbubuwis ng buhay sa hinaharap.
MGA VK SA PAMPANGA, DUMARAMI NA
Pasyalan natin, mga pare ko, itong lalawigan ng Pampanga, lalong-lalo na ang Mabalacat at Angeles City na muli na naman daw isa-isang pinagsusulputan ng mga video-karera (vk).
Sandamukal at hindi ginagalaw ng hepe ng Mabalacat na si C/Insp. Gil Domingo. Ewan ko lang kung malaki ang lagay nito mula sa operator ng mga VK.
Ganundin itong si Angeles City Director Supt. Sidney Villaflor. Tila nagbubulag-bulagan kahit abot tanay na nito ang mga video-karera na bukod sa front ng iligal na sugalan ay lantaran din ang bentahan ng shabu. (ITUTULOY)
***
Anomang puna o reklamo, i-text lang sa 09189274764, 09266719269 o i-email sa juandesabog@yahoo.com JUAN DE SABOG/JOHNNY MAGALONA