MARAMING kumukuwestyon kay Manny Pacquiao sa pagtakbo niyang senador.
Sabi nila, wala naman daw ginawa si Manny sa mababang kapulungan ng Kongreso, bakit pa siya tatakbo para sa mataas na kapulungan?
Sino ba ang may sabi na walang ginawa sa Kamara si Pacman? Dahil ba lagi siyang absent sa kanyang kaboboksing, wala na siyang nagawa?
Hindi batayan na porke laging absent si Pacman sa Kamara ay wala na siyang naihaing panukalang batas.
Sa totoo lang ay maraming ipinasang panukalang batas ang Pambansang Kamao na hindi lang naibalita.
Kumpara naman sa mga sandamakmak na mambabatas sa Kongreso, ‘di hamak na mas gusto ko si Pacman.
Maraming mambabatas na kaya tumatakbo ay para lang makinabang sa pork barrel.
Tingnan n’yo nga ang pork barrel scam. Hindi ba’t maraming kongresista at mga senador ang naakusahan ng pandarambong?
Marami ring kongresista na tinubuan na ng tahid at nagkandamatay na sa kababalik sa Kongreso, wala pa ring nagagawang proyekto sa kanyang mga constituent.
Si Pacman na isang boksingero, mula sa perang kanyang pinagpawisan, ay nakapagbigay ng mga pabahay at ospital sa kanyang mga kababayan.
Magagawa ba ito ng maraming mambabatas kung hindi sila mangungulimbat sa kanilang pork barrel?
Para sa akin, iboboto ko si Pacman para sa Senado dahil alam kong hindi niya nanakawan ang ating kabang bayan.
Iboboto ko si Pacman dahil naniniwala akong sa “wisdom” na ipagkakaloob sa kanya ng Diyos, marami pa siyang matutulungan at magiging mahusay na mambabatas.
Iboboto ko si Pacquiao, kumpara naman sa mga kumakandidatong senador tulad ni Franklin Drilon na sangkot sa maraming scam, Kiko Pangilinan na mister ni Sharon Cuneta, Ralph Recto na mister ni Ate Vi, Liza Hontiveros na ibinenta ang sarili sa “Tuwad na Daan” at Walden Bello na inggit lang kay Pacman dahil hindi makaungos-ungos sa senatorial survey. KANTO’T SULOK/NATS TABOY
